Skip to main content

160TH BONIFACIO DAY, GINUNITA NG LGU LINGAYEN

Ginunita ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ngayong araw ng Huwebes, Nobyembre 30, 2023 ang ika-160 taon nang kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, ang itinuturing na ‘Ama ng Rebolusyong Filipino’.
Idinaos ang isang flag raising ceremony na pinangunahan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama ang Sangguniang Bayan, buong pwersa ng Lingayen Police Station, Bureau of Fire Protection, Philippine Army at mga empleyado ng munisipalidad. Lumahok din dito ang mga bisita mula sa probinsya ng Kalinga sa pamumuno ni Governor James S. Edduba.
Sa kanyang maikling mensahe, sinabi ni Mayor Bataoil na napakahalaga ang pagsariwa sa alaala ng bayani at pag-unawa sa kasaysayan dahil ang mga ito umano ang nagsisilbing gabay tungo sa magandang kinabukasan nating mga Pilipino. Aniya, maaaring mapalitan at mag-iba ang henerasyon ngunit hindi umano nito mababago at maaalis ang katotohanan na lahat ng bayani ay nag-alay ng kanilang buhay para matiyak ang kalayaan at pagkakakilanlan ng ating bansa.
“Napakaganda, napakahalaga ng araw na ito. Ito’y isang araw ng paggunita sa kabayanihan ng isang tao na kung saan ay hindi kailanman makakalimutan. Generations will come and go but we will always remember the national heroes Dr. Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio and the others–deep in our hearts.” pahayag ni Mayor Bataoil.
Ibinahagi din ng alkalde sa publiko ang tulang personal mismong isinulat ni Bonifacio na may pamagat na ‘Pag ibg sa Tinubuang Lupa’.
Samantala, nagpasalamat naman si Governor Edduba ng Kalinga Province sa mainit na pagtanggap ng LGU Lingayen. Kung maaalala, dumating kahapon ang mga opisyales mula sa Kalinga upang magsagawa ng bench marking at makita ang mga hakbang o best practices na ginagawa at ipinapatupad ng lokal na pamahalaan katuwang ang provincial government upang mapanatili ang mabuting pamamahala o good governance.
“Hindi matapos tapos ang pasasalamat ko kay Mayor Bataoil. Nakita namin na ang pinakamalapit na probinsya na gusto naming tularan ay ang Pangasinan. It is really a beautiful province. Nakita ko yong mga projects like yong expressway at Banaan Museum–ang ganda. The way I see it it’s all happening here in Lingayen so masuwerte po kayo lalo na at under the leadership po ito ng dedicated and passionate leader Mayor Bataoil” pahayag ng opisyal.
Samantala, taon-taon din namang nakiki-selebra sa lokal na pamahalaan ang Moises J De Guzman Masonic Lodge No. 161 sa mga ganitong national events at naki-isa sa Wreath Laying Ceremony.
Ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio ngayong taon ay may temang, “Katungkulan at Pananagutan Tungo sa Kaunlaran ng Bayan.” (MIO_MRVinluan)
📸MIO/GcRueda/RCSoriano

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan