
1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill Idinaos
Nakibahagi ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang unang quarter ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill
sa pangunguna ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen.
Ang nasabing pagsasanay na isinagawa sa mga piling barangay sa bayan at nilahukan ng mga brgy. officials, brgy. health workers, construction workers, kababaihan, kabataan at iba pa.
Ayon sa LDRRMO, regular na nakikibahagi ang kanilang tanggapan sa nasabing gawain upang mapanatili ang kahandaan at kaalaman ng bawat isa lalo na sa pagprotekta ng sarili sakali mang magkaroon ng lindol.
Dalawang araw isinagawa ang pagsasanay sa mga brgy ng Estanza, Libsong West at Basing. Orientation o pagbibigay muna ng mga mahahalagang impormasyon ang ibinahagi sa unang araw (Marso 9, 2022) habang aktwal na drill naman ngayong (Marso 10, 2022).
Ang mga kalahok ay nagsagawa ng “duck, cover and hold” exercise o ang pamamaraan na inirerekomendang unang dapat gawin tuwing makararamdam ng lindol sa isang lugar.
Ayon sa LDRRMO, ang naturang aktibidad ay inisyatibo ng Office of the Civil Defense. Ito ay isinasagawa apat na beses kada taon para sa kahandaan sa lindol at disaster resiliency. Kanila naman umano itong nilalahukan bilang suporta na rin sa inisyatibo ng pamahalaang nasyonal.
Tiniyak naman ng LGU Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na ipagpapatuloy nito ang pagsasagawa ng mga hakbang na makapagbibigay ng kahandaan sa mga kababayan bago, sa oras o maging pagkatapos ng anumang uri ng sakuna. (MIO)