
2020 CENSUS OF POPULATION, SINIMULAN NA!
Sinimulan na ngayong araw ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagsasagawa ng 2020 Census of Population and Housing.
Ito ay upang alamin ang kasalukuyang populasyon partikular sa bayan ng Lingayen.
Nagpakalat ng pitumpu’t walong (78) census enumerator sa buong bayan para mangalap ng mga pangunahing impormasyon ng mga mamamayan, hanggang sa susunod na buwan.
Nire-require din ang lahat ng mga kababayan na lumahok dito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang tama at eksaktong impormasyon.
Magbabahay-bahay ang mga census enumerators upang magsagawa ng survey na magtatagal ng 15 hanggang 30 minuto.
Tatanungin ang bawat household heads ng bilang at pangalan ng mga taong nakatira sa kanilang bahay.
Kasama din sa mga kakailanganing impormasyon ay ang edad, kasarian, relihiyon, marital status, educational attainment at ang kasalukuyang trabaho ng miyembro ng bawat tahanan.
Nagbabala naman ang PSA na maaaring makulong ng hanggang isang taon at pagmultahin ng P100,000 ang sinumang tatangging makilahok sa census at magbibigay ng maling impormasyon.
Ipinayo din ng naturang tanggapan sa publiko na huwag magpapaloko sa mga peke o mga nagpapanggap na PSA enumerators.
Ang lehitimong enumerators ay nakasuot ng uniporme at mayroong identification card at sinasamahan din ng mga tauhan ng mga barangay.
Samanatala, inaasahan namang lalabas ang resulta ng Census sa ikalawang kwarter ng taong 2021. (MIO)