Skip to main content

24 NA KANDIDATA NAGPASIKLABAN SA MISS GAY LINGAYEN BAGOONG 2024 PRE-PAGEANT

Kanya-kanyang paandar at pasabog na performance ang inihanda ng dalawampu’t apat na kandidata sa ginanap na Miss Gay Lingayen Bagoong 2024 pre-pageant night kahapon, Ika-29 ng Pebrero 2024.

Tampok sa naturang pre-pageant night ay ang casual wear at talent competition ng mga kandidata. Ito rin ang nagsilbing panimulang aktibidad ng kinaabangang Lingayen Bagoong Festival 2024 na kung saan ay iba’t-ibang aktibidad ang inihanda ng lokal ng pamahalaan na pinamumunuan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, na siya ring Executive Chairman ng Bagoong Festival 2024.

Napuno ng hiyaw ang bawat sulok ng entablado nang magpakitang gilas na ang mga kandidata sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, at pag-arte. Pinatunayan ng mga kandidata na hindi lamang kasiyahan ang kanilang kayang ipamalas sa entablado. Naging makabuluhan ang gabing iyon dahil sa mga talentong may kaakibat na mensaheng tumutukoy sa isyung panlipunan tulad ng aborsyon, single parenting, LGBT discrimination, at iba pa.

Nagsilbi naman bilang mga huradong kumilatis sa angking talento, talino, at tindig ng mga kandidata sina FSInsp. Kevin G. Banawag, Ginoong Mark Janray Dela Cruz, at Prof. Childe T. Libertad.

Kabilang sa dalawampu’t apat na kandidata ay sina:

Candidate No. 1 Kathryn Bernardo
Candidate No. 2 Dennese Garcia
Candidate No. 3 Venus Raj
Candidate No. 4 Barbie Ramos
Candidate No. 5 Ava Adluc
Candidate No. 6 Evander Gumapos
Candidate No. 7 Sophia Bello
Candidate No. 8 Maureen Lara
Candidate No. 9 Rani Leigh Pantua
Candidate No. 10 Pat Rojas
Candidate No. 11 Chelo Marie Baradi
Candidate No. 12 Abigail Imperial
Candidate No. 13 Dheejay Mosuela
Candidate No. 14 Amara Casaclang
Candidate No. 15 Francine Reyes
Candidate No. 16 Jessica Soho
Candidate No. 17 Queen Chan Endra
Candidate No. 18 Angela Caguioa
Candidate No. 19 Jeff Picardal
Candidate No. 20 Margo Vinluan
Candidate No. 21 Ally Parajas
Candidate No. 22 Larah Marie
Candidate No. 23 Shane Sevilla
Candidate No. 24 Maui Pinlac

Binigyang pagbati naman nina Sangguniang Bayan Member John Marc Lopez ang mga naggagandahang mga kandidata. Kaniyang nabanggit na ang ginanap na patimpalak ang siyang patunay sa mainit na pagtanggap at suporta ng LGU Lingayen sa mga miyembro ng LGBTQIA+ Community. Aniya, para sa kanila ni Mayor Bataoil ay pantay-pantay ang lahat mayaman o mahirap, ano man ang kasarian. Naroon din upang magbigay suporta si SB Member Jay Mark Kevin Crisostomo.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si General Services Officer Larry Flores, na siyang Committee Chairman ng programa, sa mga kababayang sumubaybay at sumuporta sa naturang patimpalak. Gayundin ang pasasalamat sa mga kawani ng Municipal Tourism Office, Municipal Information Office, General Services Office, Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen, Philippine National Police (PNP) Lingayen, at Local Disaster Risk Reducation and Management Office (LDRRMO) na magkakatuwang sa matagumpay na pagdaraos ng Miss Gay Lingayen Bagoong Festival pageant.

Bago matapos ang gabi, binigyang pagkilala ang Top 3 na kandidatang maaaring parangalan bilang Ms. Photogenic. Ito ay sina Candidate No. 21 Ally Parajas ng Dulag, Candidate No. 5 Ava Adluc ng Pangapisan North, at Candidate No. 12 Abigail Imperial ng Poblacion.
Magaganap naman ang Grand Coronation Night sa ika-14 ng Marso 2024. Sa araw din na iyon magaganap ang Motorcade, Misa na Pasasalamat, Opening Program, Taway-Taway Cooking Exhibition, at Lingawen Cooking Competition. Habang sa ika-15 ng Marso 2024 magaganap ang Kids Fun Day, Tour to Bagoong Factory, Kalutan Ed Dalan at Yugyugan Ed Plaza.

Samantala, ang Street Dancing at Grand Float Parade ay magaganap sa ika-16 ng Marso 2024.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Bataoil sa lahat ng mga nakiisa at patuloy na sumusuporta sa mga aktibidad at programa ng lokal na pamahalaan gaya ng Bagoong Festival. Dagdag aniya, ito ay isang selebrasyon hindi lamang sa pagpapakilala ng produktong Bagoong, na siyang One Town One Product (OTOP) ng Lingayen bagkus ito rin ay pagpapakita’t pagpaparamdaman ng kasipagan at katatagan ng bawat Lingayenense. (MIO_JMMangapot/PBayog)

📸🎥MIO/GcRueda/DDeGuzman/RCSoriano/CCacondangan/OJT_TJEstrada

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan