Skip to main content

Ikalawang Blood Donation Drive ngayong Taon, Tagumpay na Isinagawa sa Bayan ng Lingayen

Matagumpay na isinagawa ngayong araw, ika-4 ng Hulyo 2024 ang isang Blood Letting Program na inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Mac Dexter Malicdem katuwang ang Municipal Health Office at Region 1 Medical Center.

Nagsimula ang naturang aktibidad mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. Dito ay naging tuloy-tuloy ang daloy ng suporta mula sa mga Lingayenense na nais makatulong sa kanilang kababayan sa pamamagitan ng pagdonate ng dugo.

Kabilang sa dumalo ang mga empleyado ng munisipalidad, mga kawani ng pulisya, mga pribadong manggagawa at ilang mga kabataang mula pa sa iba’t-ibang paaralan dito sa bayan.

Matatandaang nitong nakaraang Pebrero ngayong taon unang isinagawa ang blood donation drive kung saan nakalikom ng 73 bags mula sa mga donors. Sa kasalukuyan naman, mayroong nakalap na tatlumpu’t tatlong (33) blood bags na mas kaunti kaysa sa itinakdang isang daan na target.

Ayon sa panayam kay Municipal Health Officer Dr. Heinrich M. Manuel, bagama’t hindi naabot ang target na bilang ngayong ikalawang kwarter, hindi ito dapat ikabahala sapagkat may mga susunod pa aniyang blood letting activity na idadaos ang lokal na pamahalaan.

Ibinahagi din ng naturang opisyal na may mga ilang blood donors ang hindi pinalad na makapasa sa initial screening sa kadahilanang mataas ang blood pressure o di kaya’y may iniinom na gamot.

Samantala ang mga succesful donors ay tumanggap ng tig-3 kilo ng bigas, delata at noodles na insintibo ng lokal na pamahalaan sa pamumuno naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.

Layon ng Blood Letting Program na makatulong sa pagsalba ng buhay partikular ng mga nangangailangan na masalinan ng dugo.

Inaanyayahan naman ang mga Lingayenenses na ipagpatuloy ang kanilang aktibong pakikilahok sa mga programang pangkalusugan hindi lamang para sa pansariling kabutihan kundi bilang malasakit na rin sa kapwa.

Inaasahang sa buwan ng Setyembre ngayong taon ang susunod na blood donation drive na muling ioorganisa ng lokal na pamahalaan. (MIO_MRVinluan/JPBayog)

MIO/RCSoriano/DDeGuzman

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan