
4Ps REGISTRATION GINANAP, FISH PROCESSING ITINURO NG BFAR
Nagsagawa ng malawakang additional Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Registration ang Department of Social Welfare and Development DSWD Regional Office sa bayan ngayong araw, ika-24 ng Setyembre, 2020.
Target nito na madagdagan ang listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo na hirap umanong makaahon sa hirap nh buhay.
Ayon kay Beverly Banlaoi, Municipal Link ng DSWD Lingayen, tinatayang nasa mahigit isang daan (100) ang maaari nilang makuhang karagdagang 4Ps beneficiaries sa bayan ng Lingayen.
Layon ng 4Ps na mabigyan ng conditional cash grants o pinansiyal na ayuda ang mga mahihirap na pamilya upang sila’y matulungan sa kanilang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon lalo na ng mga bata.
Nilinaw naman ni Banlaoi na sinusuri na maigi ng DSWD ang mga karagdagang benipesyaryo at kinakailangang pasok sa criteria na itinakda ng gobyerno kabilang na ang mga sumusunod:
-Dapat residente ng mga pinakamahirap na munisipalidad, batay sa 2003 Small Area Estimates ng National Statistical Coordination Board
-Mga pamilyang inuuri bilang mahirap ayon sa pamantayang pangkahirapan ng probinsya
-Mga pamilyang may mga batang 0-18 taong gulang at may buntis na babae sa panahon ng pag-apply
-Mga pamilyang nangangakong tutuparin ang mga kondisyon na inilatag ng programa
—–
Samantala, isang seminar naman ang isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang magbigay ng karagdagang kaalaman tungkol sa pag-aalaga at pagpoproposeso ng isda.
Nilahukan ng mga fisheries implementors mula sa iba’t ibang munisipalidad sa probinsya ang nasabing aktibidad.
Kabilang naman sa mga resource persons na nagbigay ng mga kaalaman tungkol sa pag aalaga ay ilang kinatawan mula sa Office of the Provincial Agriculturist.
Layunin ng nasabing seminar na ituro at hikayatin ang maraming indibidwal na pasukin ang Aquaculture Business sa bansa. (MIO/MRBLlanillo)