95 MAGSING-IROG PINAG ISANG DIBDIB SA ARAW NG MGA PUSO SA KASALANG BAYAN 2025 SA LINGAYEN
Muling nasaksihan ng publiko ang sabay-sabay na pag iisang dibdib ng siyamnapu’t limang (95) magkasintahan matapos na idaos ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang kasalang bayan ngayong araw ng mga puso, Pebrero 14, 2025.
Mismong si Mayor Leopoldo N. Bataoil ang nanguna sa seremonya na nagbigay din ng kanyang payo at parangal kung paano mapapagtibay ng mga mag-asawa ang kanilang relasyon.
Aniya, wala umanong perpektong kasal.
“There is no perfect marriage. Magdasal kayo kung kayo ay may hindi pagkakaunawaan. Kung napaghihinaan, Someone up there will listen.”
Ang matagumpay na Kasalang Bayan 2025 (KB2025) ay naging posible dahil sa masusing pagpa-plano at pag-organisa ng Local Civil Registrar na pinamumunuan ni Municipal Civil Registrar Joan Jude Lopez at kanyang mga tauhan. Naging susi rin dito ang pakikipagtulungan ng bawat ahensiya at tanggapan ng LGU Lingayen na naging kaagapay ng LCR sa kabuuan ng KB2025.
Bukod sa seremonya, ginawaran din ng parangal ang ilang mag-asawa para sa mga espesyal na kategorya tulad ng Early Bird Couple at Oldest Couple.
Samantala, naging panauhing pandangal si Regional Statistical Services Office 1 Regional Director Atty. Sheila De Guzman, na nagbigay ng inspirasyonal na mensahe para sa mga bagong mag-asawa.
Lalong pinasaya ang okasyon sa pamamagitan ng isang raffle bonanza kung saan nag-uwi ang mga piling pares ng mga iba’t ibang pa-premyo na magagamit sa kanilang pagsisimula bilang mag-asawa.
Ang Kasalang Bayan ay isa sa mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Lingayen upang hikayatin ang mga magkasintahan at mag-asawang nagsasama ng walang kasal na gawing legal ang kanilang pagsasama, nang sa gayon ay magkaroon sila ng legal na proteksyon at mas matatag na pundasyon para sa kani-kanilang pamilya.
Sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Bataoil naitala ang mahigit 1,154 na magkapares na ang naikasal sa munisipalidad.
(MIO_MRVinluan/PJBayog).