Skip to main content

ABIG PANGASINAN KARABAN, BIBISTA SA LINGAYEN

Nakatakdang bumisita ang Abig Pangasinan Karaban ng Pamahalaang Panlalawigan sa bayan ng Lingayen sa darating na Huwebes, ika-4 ng Pebrero, 2021.

Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga kababayan na tangkilikin ang mga hatid na serbisyo at programa ng lalawigan sa pamamagitan ng nasabing aktibidad na gaganapin sa Lingayen Civic Center.

Ilan sa mga nakapaloob sa naturang programa ay ang Kalusugan Karaban (Abig Laman), Kabuhaya/ Palengke Karaban, Karagdagang Pangkabuhayan (Cash for Work) at Kalinisan Karaban.

Sa ilalim ng Kabuhayan/Palengke Karaban, bibilhin ng provincial government ang mga bentang gulay ng mga piling ambulant vegetable vendors sa bayan at ilang maliliit na vendors ng karne, manok at isda sa pamilihang bayan na ipapamigay din sa mga pampublikong ospital sa lalawigan.

Labing limang (15) piling residente naman ng Lingayen ang kukunin upang mag-consolidate ng mga napamiling produkto at ang mga ito ay tatanggap ng pera o sweldo bilang parte Cash for Work Program ng Abig Pangasinan.

Isang serbisyong medikal naman ang hatid ng Kalusugan Karaban kung saan magkakaroon ng libreng konsultasyon, free diagnostic procedures pati na libreng gamot at bitamina na maaaring makonsumo ng isang buwan.

Hinihikayat naman ang mga kababayan na dalhin ang kanilang mga pwede pang mapakinabangang basura  tulad na lamang ng mga tuyo at malinis na plastic bottles, pet bottle caps, sando bag, shampoo sashet, candy wrappers, plastic straws, stryrofoam at iba pang plastic scrap.

Bibilhin umano ito ng pamahalaang panlalawigan kung saan sa halagang P20 kada kilo, ang mga dadalhing basura ay maaaring ipalit sa grocery items o school supplies na dala ng Kalinisan Karaban mobile store. Kinakailangan naman tuyo at nalinisan na ang mga ipapalit na plastic upang hindi ma-reject.

Bukod sa mga nabanggit, nakatakda ding magbigay ng tulong  pang-agrikultura ang pamahalaang panlalawigan kung saan kanilang ipapamahagi ang iba’t ibang mga punla tulad na lamang ng vegetable at fruit-bearing seedlings at knap-sack sprayers at iba pa, sa mga marginalized farmers sa bayan.

Ang Abig Pangasinan ay isang programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamumuno ni Governor Amado I. Espino III na umiikot sa buong probinsya dala ang mga programang layong tulungan ang mga Pangasinenseng lubos na apektado ng Covid-19.

Malugod naman itong tinanggap ng LGU Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na naghahanda na rin para sa darating na Huwebes at sinabing malaking tulong ito para sa kanyang mga nasasakupan at makakatulong pa upang mabawasan ang mga plastic na basura sa bayan. (MIO)

 

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan