Skip to main content

AKTIBIDAD NG LGU LINGAYEN, PANSAMANTALANG NAKABINBIN UPANG MAIWASAN ANG COVID-19

Pansamantalang itiningil ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang mga aktibidad na nakalinya ngayong buwan ng Pebrero at sa mga susunod pang buwan, dahil sa banta ng coronavirus disease o COVID-19.

Ito ay matapos na ideklara ng World Health Organization (WHO) na isa nang public health emergency of international concern ang nasabing sakit.

Sa isinagawang pagpupulong noong ika-13 ng Pebrero, 2020 ng mga department heads at lokal na opisyales ng LGU Lingayen kabilang na ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, napagkasunduan na pansamantalang ibinbin muna ang mga nakatakdang mga aktibidad na maaring daluhan ng publiko.

Kabilang sa mga apektadong aktibidad ay ang mga sumusunod:
-Valentine Lighting Ceremony (February 13, 2020)
-Kasalang Bayan at Valentine’s Ball (February 20, 2020)
-Bagoong Festival (March 16-22, 2020)
-Flag Raising at Flag Lowering Ceremony sa munisipalidad tuwing Lunes at Biyernes

Pansamantala rin munang ipagbabawal ang paggamit ng ilang mga pasilidad at kagamitan ng munisipyo para sa mga malalaking kaganapan.

Base sa advisory na inilabas ng Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG) at maging ng Provincial Government, hinihikayat ng mga naturang sangay na huwag munang magsagawa ng mga aktibidad upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.

Sang-ayon naman sa payo ng mga nakatataas na kinauukulan si Mayor Bataoil upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng publiko lalo na ng kanyang mga nasasakupan.

Kaugnay nito isang special session ang isinagawa ngayong ika-14 ng Pebrero ng Sangguniang Bayan ng Lingayen upang talakayin ang naturang usapin.

Pinayuhan din ng mga opisyal ng bayan na tumalima ang lahat sa naturang direktiba, kumain ng masustansyang pagkain, panatilihin ang proper hygiene at palakasin ang resistensiya ng katawan para malabanan ang banta ng COVIN-19. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan