
“ANGKAS SA ILALIM NG MGCQ, BAWAL PA RIN”- PNP LINGAYEN
Muling nag paalala ang Philippine National Police o PNP Lingayen na mahigpit pa ring pinagbabawal ang pag-aangkas sa motorsiklo kahit pa ibinaba na sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang probinsya ng Pangasinan.
Ayon kay Police Lt. Col Theodore A. Perez hepe ng Lingayen Police Station, hindi pa rin pahihintulutan hindi lamang sa bayan kundi sa buong bansa na may umiiral pa rin na community quarantine, ang back-riding o pag-angkas sa motorsiklo kahit pa ng mga ito ay mag-asawa o magkamag-anak.
Ito ay batay na rin sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease at alinsunod na rin sa Omnibus Public Transport Protocol ng Department of Transportation (DOTr).
Paliwanag ng hepe, kailangang sundin ang inilabas na guidelines o panuntunan ng IATF-EID dahil sila umano ang nakakaalam ng kasalukuyang sitwasyon sa ilang mga bayan kabilang na ang Lingayen.
Naiintindihan naman umano ng naturang hepe ang kalagayan at apela ng publiko lalo’t ngayon na mahirap pa ang public transportation.
Karamihan din aniya sa mga kababayan ay sa motorsiklo lamang dumidepende upang makarating sa kani-kanilang mga trabaho.
Ngunit wala umano silang magawa dahil sinusunod lamang nila ang utos mula sa taas. Giit ng opisyal, ang pagsuway dito ay maituturing na violation ng physical distancing.
Samantala, nilinaw din ng naturang hepe na ‘no exemption to the rule’ ang nasabing batas dahil kahit mga pulis ay hindi maaari ang pagkakaroon ng angkas sa motorksiklo.
“Malinaw po yong guideline at wala pong exemption diyan. Maski po mga pulis natin hindi po ligtas kasi kapag ginawa po yan gagayahin po yan ng taong bayan. Dapat po nating sundin na isa lang talaga ang pwedi sa motor.” ani Perez.
Magugunitang naging panawagan kamakailan ng publiko partikular na sa social media na payagan na ang back riding sa motorsiklo lalo na kung mag-asawa o magkamag-anak.
Kaugnay nito ay ang babala ng PNP sa publiko na mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang driver na lalabag sa physical distancing. (MIO)