Skip to main content

Appreciation Day Idinaos Kaugnay ng Teachers’ Day Celebration para sa Lahat ng mga Guro ng Lingayen

Binigyan pugay ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga magigiting na guro sa bayan ngayong ika-6 ng Oktubre, 2023.
Bagamat kahapon nagtapos ang Teachers’ Month Celebration minabuti ng LGU na maglaan ng isang Appreciation Day para sa lahat ng mga guro sa bayan ng Lingayen.
Nagkaroon ng isang maikling programa sa Lingayen Civic Center kung saan dito kinilala ang mga sakripisyo ng mga tinaguriang pangalawang magulang ng mga mag-aaral.
Sa kanyang mensahe sinabi ni Mayor Bataoil na napakahalaga ang naturang okasyon sapagkat dito aniya ay nabibigyan ng pagkakataon ang mga guro na kilalanin hindi lamang bilang mga ikalawang magulang sa loob ng paaralan ngunit mga bayani na walang sawang gumagabay sa mga kabataan.
Dagdag pa ng alkalde, galing din siya sa pamilya na may propesyon ng pagtuturo kung kaya’t malapit umano ang kanyang puso sa mga guro.
“Sa araw na ito, gusto kong pasalamatan kayong lahat, public schools and private schools as well. I am not here for what I am today if not for my parents and teachers. It’s all because of you! It’s all because of the teachers–na kung saan sila talaga ang bumuo sa ating pagkatao. So I am very proud of all of you.” pahayag ni Mayor Bataoil.
Samantala, kilig at tuwa ang hatid ni Vice Mayor Dexter Malicdem matapos haranahin ang mga guro sa kanyang ipinamalas na pag-awit kasama ang iba pang konsehales ng bayan na nagbigay ngiti rin sa mga guro.
Inilatag naman ni Councilor Jolo Lopez, chairman ng Committee on Education ang patuloy na plano ng lokal na gobyerno para suportahan ang education sector tulad na lamang ng pamamahagi ng libreng school supplies at equipment, budget o pondo para sa brigada eskwela at marami pang iba.
Tiniyak ng LGU Lingayen na tutugunan nito ang pangangailangan ng mga paaralan, mga bayaning guro at mga estudyante sa buong bayan.
Kasabay sa pagdiring ang ceremonial turnover ng samu’t saring ICT equipment, school supplies, painting materials at iba pa na nagmula naman sa Special Education Fund (SEF) na inilalaan ng LGU para sa tatlong school districts ng Lingayen.
Nagkaroon din ng kaunting surpresa ang lokal na pamahalaan sa mga gurong dumalo sa programa at naglaan ng oras para rito.
Labis naman ang tuwa at pasasalamat na isinukli ng mga guro sa inisyatibong ito ng LGU Lingayen. Ayon sa kanila, ito ang kauna unahang pagkakataong ipinagdiwang ang Teachers’ Day ng lokal na pamahalaan na sama sama ang lahat ng mga educators, ngayon lamang isinagawa at sa termino ni Mayor Bataoil.
Una nang naglabas ng Executive Order si Mayor Bataoil kahapon Oktubre 5, 2023, bilang pagdiriwang ng World Teachers’ Day na ideneklara nito ang kanselasyon ng klase sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa bayan ngayong Byernes bilang karagdagang regalo sa mga guro. (MIO_MRLVinluan/MVR)
📸MIO/DDeGuzman/KPaulo/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan