ARAW NG KAGITINGAN GINUNITA NG MGA LINGAYENESE
Ginunita ang ika-81 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa bayan ng Lingayen ngayong ika-10 ng Abril, 2023 na pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Layunin ng naturang okasyon na ipaalala ang naging sakripisyo ng mga beteranong sundalo man noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at maging ang kontribusyon at kabayanihan ng mga buhay na bayani ng kasalukuyang panahon.
Ayon sa mensahe ni Mayor Bataoil, bilang ama ng bayan, isa ka kanyang sinumpaang tungkulin na magpatupad ng mga proyekto at programang mag-aangat sa buhay ng mga Lingayenese. Ito ang kanyang pangako lalo na sa bawat indibidwal na katuwang bayan sa kaunlaran o ang mga makabagong bayani ng kasalukuyan sa kani-kanilang paraan.
Naki-isa naman sa pagdiriwang ang PNP Lingayen Station, Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen, ilang department managers at kawani ng lokal na pamahalaan at mga bisita.
Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang, ‘Kagitingan ng mga Beterano, Pundasyon ng Nagkakaisang Pilipino,’
Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 90, s. 2022 na nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr., inilipat ang komemorasyon ng Araw ng Kagitingan ngayong ika-10 ng Abril para magbigay daan sa selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday) na natapat nitong Abril 9, 2023. (MIO)