ARTA NAGSAGAWA NG INSPEKSYON SA LINGAYEN
Nagsagawa ng isang monitoring inspection ang mga tauhan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa Lingayen Municipal Hall partikular na sa tanggapan ng Business Permits and Licensing Office ngayong araw Nobyembre 26, 2021.
Ito’y upang makita ang ‘compliance’ ng naturang tanggapan patungkol sa bagong proseso ng pagkuha ng business permit sa bayan.
Una munang nakipagpulong kay Municipal Administrator Roberto Sylim ang mga naturang bisita na agad namang sinundan ng kanilang actual inspection.
Dito ay kanilang sinuri at inobserbahan kung paano ang proseso ng LGU Lingayen lalo na sa usapin ng Ease of Doing Business (EODB) at Efficient Delivery of Government Service Act, na may probisyon na nag-aatas sa government offices na magtayo ng sariling BOSS o Business One Stop Shop.
Ang BOSS ay isang single-window system na nagpapasimple sa aplikasyon at pagsusumite ng mga dokumento sa government offices.
Samantala, ang e-BOSS ay gumagamit ng Electronic Business Permit and Licensing System o eBPLS na binuo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nagpapahintulot sa publiko na magsagawa ng transaksiyon sa gobyerno online.
Sa pamamagitan ng e-BOSS, mas mapapadali ang pagpaparehistro ng mga negosyo dahil automated na ito. Nangangahulugan na mayroon na ring e-payment system o pwede na sa online ang pagbabayad ng mga kababayan.
Sa maikling oras ng pagbisita ay naging matagumpay ang nasabing monitoring inspection at pinuri rin ng ARTA ang lokal na pamahalaan sa pagbuo ng naturang sistema bilang pagtalima na rin sa utos ng national government na gawing madalian ang pagproseso ng mga dokumento at maiwasan ang usaping korupsyon.
Tiniyak naman ng LGU Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na ipagpapatuloy nito ang pagbibigay ng maayos at mabilis na serbisyo publiko upang maiwasan ang red tape sa bayan. (MIO)