
ARTA ONLINE ORIENTATION, NILAHUKAN NG LGU LINGAYEN
Naki-lahok ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa isinagawang national online Orientation ng Anti-Red Tape Authority o ARTA.
Mismong si Mayor Leopoldo N. Bataoil ang nanguna sa nasabing webinar na nilahukan din ng iba’t ibang mga opisina ng munisipalidad.
Ilan sa mga tinalakay dito ay ang mga lumang problema tulad na ng mahabang pila at ang mga usad-pagong na proseso sa pakikipagtransaksyon sa mga ahensya ng gobyerno o mas kilala sa tawag na ‘red tape’. Nabanggit din dito ang pagkakaroon ng iligal na transaksyon o mga ‘fixers’ na mahigpit umanong tinututulan ng ARTA.
Hindi rin nakalimutang talakayin ang isyu ng katiwalian na matagal ng pumipinsala, hindi lamang sa kalidad ng serbisyo ng gobyerno ngunit pati na rin sa tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Tiniyak naman ni Mayor Bataoil na ang lahat ng mga nabanggit ay ay masusing binabantayan sa ilalim ng kanyang pamunuan. Aniya, prayoridad at suportado niya ang Anti-Red Tape Authority o ARTA sa paglaban at at pagsugpo sa “red tape” at korupsyon.
Binigyang diin din nito na bilang isang lider, tungkulin aniya na maghatid ng maayos, magalang, tapat at buong husay na serbisyo publiko sa kanyang mga kababayan.
Bukod pa rito, nabanggit din sa nasabing webinar ang kahalagahan o pagkakaroon ng sariling Citizen’s Charter ng isang Lokal na Pamahalaan kung saan ay mas magiging malinaw umano ang mga pagtugon sa pangangailangang serbisyo ng publiko.
Hindi rin nakalimutang talakayin dito ang kahalagahan sa pagtatakda ng processing time para sa mga aplikasyon o transaksyon sa gobyerno o mas kilala sa tawag na 3-7-20.
Tatlong araw (3) para sa mga simpleng transaksyon, pito (7) para sa mga kumplikado (complex transactions), at dalawampung araw (20) naman para sa mga nangangailangan ng teknikal na pagsusuri o highly technical transactions.
Kung sakali umanong pumalya ang isang LGU sa ganitong uri ng transaksyon, maaari itong ireklamo sa tanggapan mismo ng ARTA.
Taong 2007 ng unang amyendahan ang batas na R.A. 9485 o Anti-Red Tape Act. At mas pinagtibay ito ng R.A. 11032 dahil sa pagkakaroon mismo ng isang ahensya na siyang mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga isinasaad na probisyon sa naturang batas na mas kilala na ngayon bilang Anti-Red Tape Authority o ARTA. (MIO)