Skip to main content

ARTIFICIAL REEFS INAASAHANG MAKAKATULONG SA KABUHAYAN NG MGA MANGINGISDA SA BAYAN

Inilunsad at pinasinayaan ngayong ika-7 ng Marso, 2022 ang Lingayen Fish Sanctuary at Lingayen Watch Tower sa may bahagi ng Lingayen Baywalk.

Ito’y isang joint project ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen, Provincial Government of Pangasinan at Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Apatnapu’t limang (45) units ng concrete artificial reefs ang ibinigay sa LGU Lingayen na nakatakda namang ilagay sa bahagi ng karagatan sa bayan na sakop din ng Marine Protected Area.

Ayon kay Ms. Rosario Segundina Gaerlan, OIC Regional Director ng BFAR Region 1, makakatulong umano ito upang madagdagan ang  lugar kung saan maaaring mangitlog at magparami ang mga isda at upang mapaganda ang marine ecosystem ng bayan.

Aniya, layunin din ng mga ilalagay na istraktura na mapayabong ang marine life at magpapaganda sa hanapbuhay ng mga lokal na mangingisda.

“Heto pong mga artificial reef po natin ay makakatulong sa ating mga mangingisda dahil doon po tutubo ang mga lumot na kakainin naman ng mga isda at magkakaroon na rin sila ng masisilungan” pahayag ng direktor.

Hiling lamang nito sa mga mangingisda na pawang makikinabang din sa naturang proyekto na alagaan at protektahan ang mga ilalagay na artificial reef sa karagatan.

Ipinaabot naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan partikular na kay Governor Amado “Pogi” I. Espino III, na siya umanong nakaisip at nagsakatuparan ng naturang proyekto. 

“Nagpapasalamat ako sa ating mahal na gobernador, Gov. Pogi dahil siya ang nakaisip ng artificial reef natin. Ito na ang tried, tested and proven formula para lalong dumami ang isda sa karagatan” ani Mayor Bataoil.

Kasabay ng paglulunsad ng Lingayen Fish Sanctuary ay groundbreaking ng Lingayen Watch Tower. Makakatulong naman ito upang mas higit pang mabantayan ang ating karagatan mula sa mga iligal na gawain at mapalakas pa ang turismo sa bayan.

Ibinida rin ang brand new rescue boat ng Lingayen na binili ng lokal na pamahalaan ng walang utang, na siya namang magagamit para sa mas mabilis na pagresponde sa panahon ng emergency o anumang uri ng kalamidad partikular sa mga coastal barangays.

Samantala, bukod sa launching at groundbreaking, nagkaroon ng Signing of Memorandum of Agreement at binigyan din ng pagkilala ang ilang myembro ng Maniboc Fisherfolks kasama ang LDRRMO, PNP Maritime, Philippine Coast Guard at Special Action Team ng LGU Lingayen na nagpakita ng tunay na dedikasyon sa pagtulong at sa pagtugon sa kani-kanilang mga trabaho. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan