
ATV RIDE MAARI NANG MA-EXPERIENCE SA LINGAYEN ADVENTURE PARK
Pormal ng nagbukas sa publiko ang Lingayen Adventure Park ngayong araw ng Sabado Marso 20, 2021.
Bahagi ito ng pagbubukas muli ng turismo sa bayan matapos itong mapahinto bunsod ng kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19.
Nanguna sa nasabing aktibidad si Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho kasama ang ilan pang mga matataas na opisyal ng lokal na pamahalaan.
Dumalo din dito sina 2nd District Congressman Jumel Anthony I. Espino at Board Member Nikki Boy Reyes na siya na ding kumatawan para kay Gov. Amado ‘Pogi’ I. Espino III bilang mga panauhing pandangal.
Sa maikling programa, ipinahayag ni Mayor Bataoil ang kagalakan at kasiyahan dahil sa unti unting panunumbalik ng turismo sa bayan. Aniya, magandang senyales ito upang makabangon ang Lingayen sa pagkalugmok ng ekonomiya bunsod ng pandemya.
Ngunit kanya namang nilinaw, na bagam’t lumuwag na ang quarantine protocols ay sisiguraduhin pa rin ng Lokal na Pamahalaan na bibigyan ng importansya ang mga ipinapatupad na health protocols sa bayan lalo na’t prayoridad umano nito ang kalusugan ng kanyang mga kababayan.
‘We are giving importance to health protocols. We will preserve tourism at the same time we will also promote livelihood for our people’ ani Mayor Bataoil.
Nagpahayag naman ng kanyang taos pusong pasasalamat si Congressman Espino matapos itong imbitahan sa nasabing aktibidad. Nangako rin ito na kanyang ipagpapatuloy ang pagsuporta sa lahat ng mga isinusulong na proyekto hindi lamang sa Lingayen ngunit maging sa buong segundo distrito.
Masaya naman umano si BM Reyes sa mga nakikita nitong progreso sa bayan na dati lamang umanong proyekto ni Mayor Bataoil noong ito’y congressman pa lamang. Aniya, ang Lingayen Baywalk, Daang Kalikasan at Diversion Road ay ilan lamang sa mga patunay. Kanya din aniyang ikinagagalak ang magandang samahan ng gobernador, congressman at alkalde dito sa probinsya na bihira at madalang na mangyari lalo na sa usaping pulitiko.
Ang ‘Take Me Back to the North’ ay isang aktibidad ng private owned company na Tol Recreational Hub pakikipagtulungan sa LGU Lingayen na may layuning pasiglahin at buhayin muli ang turismmo sa bayan.
Dito ay maaaring makita ng mga turista ang kagandahan ng Lingayen Beach at ma-enjoy ito gamit ang for rent na mga All Terrain Vehicle o ATV.
Ang nasabing aktibidad ay bukas sa publiko tuwing Biyernes, Sabado at Linggo. Mahigpit lamang na ipinapaalala ng Lokal na Pamahalaan na istrikto pa ring sundin ang mga ipinapatupad na health protocols tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask, face shield at pag obserba sa social distancing. (MIO)