
AYUDA SA MGA MAGSASAKA NG LINGAYEN, IPINAGKALOOB
Kinumpirma ng Municipal Agriculture Office (MAO) Lingayen na natanggap na ng mga lokal na magsasaka sa bayan ang ikalawang batch ng tulong pinansyal mula sa Department of Agriculture (DA).
Umabot sa 970 na kwalipikadong magsasaka ang tumanggap ng tig P5,000 financial subsidy mula sa Rice Farmers Financial Assistance o RFFA program ng DA.
Ayon kay Municipal Agriculture Officer Dr. Rodolfo F. Dela Cruz, ang RFFA ay isang tulong sa mga magsasaka na apektado sa pandemya ng COVID-19.
Aniya, ito na ang ikalawang ayudang kanilang tinanggap simula ng ideklara ang Community Quarantine hindi lamang sa bayan ngunit maging sa buong bansa.
Hiling naman nito na gamitin ang nakuhang tulong pinansyal para sa kanilang personal na pangangailangan. Hinikayat din niya ang mga benepisyaryo na gamitin nang maayos ang tulong mula sa pamahalaan. Ito ay upang mapakinabangan ang mga natanggap na tulong lalo na sa pagsusulong ng sapat na pagkain sa bayan.
“Madaming mga magsasaka ang makikinabang sa programang ito at sana ay makakatulong sa kanilang personal na pangangailangan at sa pagsasaka sa panahong ng COVID-19 quarantine ang ayudang kanilang natanggap” ani Dela Cruz.
Samantala, maliban sa tulong pinansyal, nakatanggap din kamakailan ang United Farmers and Irrigators Association of Brgy Rosario ng isang makinarya o 1 unit Rice Combine Harvester mula sa Philippine Center for Postharvest and Mechanization o PHilMech ng Department of Agriculture (DA).
Ayon sa MAO, layunin ng pagbibigay ng naturang makinarya na maagang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mapaganda ang produksyon ng palay at bigas.
Ipinaalala naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na ang mga kagamitan sa pagsasaka ay hindi lamang para sa pangulo ng asosasyon bagkus ay para sa lahat ng kasapi nito. Lubos naman ang pasasalamat nito sa Department of Agriculture na walang sawang tumutulong at sumusuporta sa mga magsasaka sa bayan. (MIO)