Skip to main content

BAGONG FIRE MARSHAL NG LINGAYEN, OPISYAL NANG IPINAKILALA

BAGONG FIRE MARSHAL NG LINGAYEN, OPISYAL NANG IPINAKILALA

Malugod na tinanggap ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang bagong hepe ng Bureau of Fire Protection o BFP Lingayen na si Fire Inspector Neil Winston T. Navalta.

Pormal itong pinakilala sa publiko kasabay ng isinagawang flag raising ceremony ngayong umaga, ika-13 ng Mayo 2024.

Sa naging panayam kay F/INSP. Navalta, itinuturing niyang isang hamon at pribilehiyo ang kaniyang panunungkulan sa Lingayen Fire Station dahil ito umano ang Capital Town ng Pangasinan at isang kinapipitagang dating heneral ang kasalukuyang namumuno sa bayang ito.

Sa humigit-kumulang tatlong taon niya sa serbisyo publiko bilang bumbero, mayroong malinaw na hangarin para sa bagong nasasakupang istasyon si F/INSP. Navalta. Isa sa mga nais niyang maisakatuparang programa ang pagpapatayo ng bago at mas malaking Lingayen Fire Station.

“Since this is the capital town of Pangasinan, at marinig mo pa lang ang pangalan ng Lingayen mataas na ang tingin mo, pero wala tayong standard na station. So, isa sa mga i-include ko na programs is ipush-through ko na maipatayo ang standard na fire station. Isa ” ani Navalta.

Nangako naman ang bagong hepe na ipagpapatuloy ang ibang nasimulang mabubuting proyekto at aktibidad ng dating BFP Chief. Iminungkahi rin niya na magkaroon ng ordinansa para sa taunang paggunita sa Fire Prevention Month upang mabigyang pormal na suporta ang isang aktibidad na nagtataguyod sa kapakanan at kaligtasan ng masa.

Nagtapos sa Philippine National Police Academy taong 2022 ang bagong hepe ng BFP Lingayen at huling naglingkod sa munisipalidad ng Vintar at Bacarra sa Ilocos Norte at Pozorrubio, Pangasinan bago tuluyang madestino dito sa bayan ng Lingayen.

Samantala, binigyang papuri at pagkilala naman ng lokal na pamahalaan ang dating hepe na si FSINP. Kevin Banawag. Ayon kay Mayor Bataoil, tulad ng iba pang mga nagsisilbi sa gobyerno, malaki ang naiambag at naging kontribusyon nang dating tagapagmuno ng BFP Lingayen bagay na kanyan umanong ipinagpapasalamat.

Kasalukuyang sumasailalim sa Fire Officer Advance Course si Banawag habang nagsimula na rin ang panunungkulan ni Navalta sa bayan. (MIO_MRVinluan&PJBayog)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan