BAGONG MUNICIPAL HALL ATRIUM, BINUKSAN NA SA PUBLIKO
Isa na namang makasaysayang araw para sa bayan ng Lingayen ang naganap noong Marso 20, 2025, kasabay ng pagbubukas ng Lingayen Bagoong Festival 2025, ng pormal na pasinayaan ang bagong Lingayen Municipal Hall Atrium sa pamamagitan ng isang Blessing at Ribbon-Cutting Ceremony.
Pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, kasama ang Sangguniang Bayan na pinamumunuan ni Vice Mayor Mac Dexter G. Malicdem, ang makabuluhang kaganapang ito.
Dumalo rin ang iba’t ibang department heads, empleyado, at mga panauhin mula sa iba’t ibang sektor upang saksihan ang pagbubukas ng bagong atrium, na inaasahang mas makapagpapabuti sa kalidad ng serbisyo para sa mga Lingayenense.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Bataoil na ang pagpapabuti ng mga pasilidad ng munisipyo ay isang mahalagang hakbang upang matugunan ang lumalawak na pangangailangan ng publiko.
“Ang ating bagong atrium ay hindi lamang isang istruktura, ito ay sumasalamin sa ating dedikasyon na gawing mas mabilis, mas episyente, at mas maaliwalas ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mamamayan,” ani Ni Mayor Bataoil. Dagdag pa niya, ang mga reporma at imprastraktura sa municipal hall ay bahagi ng kanyang pangako na itaguyod ang isang progresibo at maunlad na Lingayen.
Malaking tulong din aniya ang bagong gusali dahil magbibigay ito ng mas maayos at mas komportableng espasyo para sa mga tanggapan ng gobyerno, na magpapadali sa transaksyon ng publiko.
Isa sa mga tampok ng bagong Lingayen Municipal Hall Atrium ay ang bagong elevator, na idinisenyo upang magbigay ng mas madaling access sa mga nakatatanda, persons with disabilities (PWDs), at buntis na kailangang makipagtransaksyon sa mga opisina sa mas mataas na palapag ng munisipyo.
Ayon din sa mga kawani ng munisipyo, malaking tulong ito sa kanilang pang-araw-araw na gawain, lalo na sa pagproseso ng mga dokumento at pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Ang bagong atrium ay mula mismo sa pondo ng LGU Lingayen na bunga ng masusing koleksyon at pag-iingat ng buwis ng mamamayan. (MIO_MRVinluan/PJBayog)
MIO/GcRueda
