Skip to main content

BAGONG OSCA PRESIDENT, NANUMPA NA SA TUNGKULIN

Pormal nang nanumpa kay Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil si Ginang Delia Jimenez bilang bagong pangulo o mamumuno sa Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) sa bayan.

Ang pagkakapili kay Jimenez ay inihayag nito kasabay ng ginanap na Ceremonial Turnover at Blessing ng bagong Meat Van at Waterwaste Facility sa Slaughterhouse, Brgy. Domalandan West noong, ika-5 ng Oktubre, 2020.

Ayon kay Mayor Bataoil, limang mga kandidato ang nainomina para sa nasabing posisyon ngunit tatlo lamang umano sa mga ito ang na-endorso sa Sangguniang Bayan o SB Lingayen.

Sumalang umano ang mga ito sa masinsinang interview at deliberasyon ng sampung (10) Sangguniang Bayan Members sa pamumuno mismo ni Vice-Mayor Judy Vargas-Quiocho.

Sa tatlong kandidato, si Jimenez ang mapalad na napili kaya’t agad na inerokomenda ito kay Mayor Bataoil para sa final review. Hindi naman na aniya nagdalawang isip pa ang alkalde at tuluyan na nitong inaprubahan ang appointment ng bagong presidente.

“Base on the result of deliberation by the 10 Sangguniang Bayan Members headed by our Vice-Mayor, I reviewed the process and with due consideration, I have decided and now appointing our new OSCA Head Mrs. Delia Jimenez” ani Mayor Bataoil.

Lubos naman ang pasasalamat ng bagong OSCA head sa alkalde pati na kay Vice Mayor Quiocho kasama ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan na nagpakita ng tiwala at kumpiyansa sa kanyang kakayahan. Magsisilbing Vice-President naman ng OSCA si Ginoong John Casaclang. Papalitan naman ni Jimenez si Outgoing OSCA President Mr. Luciano Ramos.

Samantala, kahong-kahong herbal food supplement at mga face shields ang itinurn-over sa OSCA ni Mayor Bataoil upang ipamahagi sa mga senior citizens sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan