
BAGONG TANGGAPAN NG 51ST ENGINEER BRIGADE NAKATAKDANG ITAYO SA BAYAN NG LINGAYEN
Sa kauna unahang pagkakataon, isinagawa sa bayan ngayong ika-29 ng Hunyo, 2021 ang Deed of Usufruct Signing o paglagda ng kasunduan na nagpapahintulot sa 51st Engineer Brigade ng Philippine Army na gamitin ang 1,500 square meters na lupa o bahagi ng sampung ektaryang lupa na pagmamay-ari ng lokal na gobyerno sa Barangay Pangapisan North.
Ang paglagda ng Usufruct agreement for land use ay ginanap sa Municipal Hall sa pagitan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at BGen Lyndon J. Sollesta, Commander ng 51st Engineer Brigade.
Naging saksi naman sa lagdaan si Vice Mayor Judy Vargas Quiocho, sina Lynn Castillo at Dr. Ed Exconde ng Multi – Sector Advisory Board (MSAB) 51st Engineer Brigade Phil. Army at myembro ng Provincial Advisory Council. Naroon din si Municipal Administrator Roberto Sylim kasama ang ilang mga department heads maging ilang myembro ng local media.
Ayon kay Mayor Bataoil, batid niya ang pangangailangan ng mga butihing sundalo na magkaroon ng karagdagang facility o tanggapan para sa kanilang hanay kung kaya’t nagbigay ito ng lote na maaari umano nilang gamitin.
Maliban sa kanilang headquarters, pwede aniya silang magpatayo ng kanilang mga barracks, temporary watering facility, pagdausan ng team building activities at marami pang iba.
Lubos naman ang pasasalamat ni BGen Sollesta sa lokal na pamahalaan lalo na sa mga namumuno dito at nangakong ibibigay ang buong serbisyo para sa kapakanan at ikabubuti ng mga kababayan.
“Rest assured that the 51st-Engineer Brigade will always be your partner and always be willing to help. Maraming, maraming salamat po sa pagtitiwala at maraming salamat din sa ibinigay sa atin ng Panginoon. Asahan niyo po na ito na ang magandang umpisa ng ating pagkakaibigan” pahayag ng nasabing commander.
Ang Deed of Usufruct ay tatagal ng dalawampu’t limang taon kung saan ito ay maaring gamitin, pagandahin at i-maintain ng naturang ahensiya sa kondisyong kinakailangan maipatayo ang gusali sa loob ng tatlong taon.
Sa pagtatapos ng proyekto, inaasahan na mas makatutulong ang 51st-Engineer Brigade katuwang ang 51st Engineer Support Company hindi lamang sa bayan kundi para sa safety security, development progress, humanitarian help, disaster response at marami pang iba. (MIO)