
BAKUNA KONTRA RUBELLA, POLIO AT TIGDAS, NAKATAKDANG ISAGAWA
Hinihikayat ngayon ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang publiko na makiisa at suportahan ang immunization programs ng pamahaalan.
Kabilang na rito ang gaganaping nationwide synchronized supplemental immunization activity ng Department of Health na Measles Rubella at Oral Polio Vaccine.
Taglay ang kanilang campaign slogan na “Chikiting Ligtas, sa Dagdag Bakuna Kontra Rubella, Polio at Tigdas”, nakatakdang magsagawa ng malawakang pagbabakuna ang DOH sa October 26 to Nov. 25, 2020 na lalahukan naman ng Municipal Health Office o MHO Lingayen.
Ayon kay Municipal Health Officer Dra. Sandra Gonzales, bagama’t kasalukuyan tayong nakakaranas ng pandemya dulot ng COVID-19, importante pa ring magsagawa ng nasabing aktibidad dahil ito umano ang magsisilbing proteksyon ng mga kabataan lalo na ang mga nasa edad lima pababa.
Sa katunayan aniya, magkakaroon sila ngayong araw ng online activity orientation upang talakayin ang mga taamang pamamaraan at kahalagahan ng pagpapabakuna.
Ang rubella ay isang uri ng virus na nagdudulot ng lagnat, masakit na lalamunan, pantal, sakit sa ulo at pagka-irita ng mata habang ang tigdas naman ay sakit na nakakahawa at maaring magdulot ng komplikasyon sa kalusugan at ang polio nama’y habang buhay na pagkaparalisa.
Para sa mga nais pabakunahan ang kanilang mga anak, mangyari lamang na abangan ang anunsyo ng inyong mga health worker sa inyong barangay. (MIO)