
BARANGAY DRUG CLEARING WORKSHOP, ISINAGAWA NG PDEA PANGASINAN
Muling nanawagan si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga opisyales ng barangay kabilang na ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) na tumulong at makiisa na sugpuin ang iligal na droga sa bayan.
Sa ginanap na Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) meeting at Barangay Drug Clearing Workshop kahapon, Oktubre 29, 2020 hinikayat ng alkalde ang mga SK at mga Brgy Chairman na makipagtulungan sa gobyerno para tuluyang mapigil ito.
Bagama’t nanatiling Drug Free Municipality, inihayag ni Mayor Bataoil na patuloy pa rin ang pagsulong ng kampanya laban sa droga. Mahalaga din aniya ang isinagawang aktibidad dahil muli nitong ipinaalala ang mga kailangang gampanan ng bawat barangay pati na ang mga miyembro nito.
Ipinaliwanag din nito sa mga barangay officials ang mga proseso at mga dokumentasyon na kailangang sundin lalo na sa pagpapatupad at pagresolba ng mga kaso ng ilegal na droga sa kanilang mga nasasakupan.
Binigyan diin din nito na kahit may kinakaharap na pandemya hindi dapat magbago ang pagbibigay serbisyong pampubliko at pagtitiyak ng kaligtasan ng kanilang mga kababayan.
“Yong mga interventions ay very important. Pinagmamalaki ko ang ating bayan–ang bayan ng Lingayen. Kaya kayo na mga kapitan at mga SK officials, gawin niyo ang inyong mga trabaho with all your heart. Make sure na ang lahat ng inyong miyembro ay hindi sangkot sa anumang illegal activities” ani Mayor Bataoil.
Dagdag pa ng alkade, huwag mag aatubiling tulungan ang sinumang ka-barangay o kababayan na lalapit sa kanila.
“Kung may mga lumapit sa inyo at humingi ng atensyon or guidance, huwag na kayong mag atubiling tulungan sila para hindi sila mapunta sa maling gawain”, bilin ni Mayor Bataoil.
Samantala, kanya ding hinikayat ang mga kapwa nito opisyales na makipag ugnayan lamang sa tanggapan ng PDEA at ibigay ang anumang maisip na suhestyon na makakatulong upang masugpo ang iligal na droga.
“Kung ano man ang inyong suggestions, ipagbigay alam ito sa PDEA. PDEA cannot do it alone kung walang kooperasyon ang LGU. Sabihin ninyo lang kung ano ang inyong resolutions, complaints, reports at anumang bagay na makakatulong to make the Lingayen a totally Drug Free, Friendly, Peaceful, Loving at syempre Godfearing Community”, dadag ni Bataoil. (MIO)