Barangay Orientation on Waste Segregation
Oktubre 11, 2025 – Barangay Orientation on Waste Segregation Isinagawa sa Brgy. Bantayan, Brgy. Pangapisan North at Brgy. Dulag, Lingayen, Pangasinan
Tungo sa Mas Malinis, Maayos, at Responsableng Pamayanan
Sa patuloy na pagpupunyagi ng Pamahalaang Bayan ng Lingayen na mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran, isinagawa ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang Barangay Orientation on Waste Segregation sa Barangay Bantayan at Barangay Dulag, Lingayen, Pangasinan.
Dinaluhan ng mga opisyal ng barangay, kabilang ang mga Punong Barangay, mga kagawad, barangay tanod, barangay health workers, at iba pang personnel ng barangay, ang naturang aktibidad na layuning palawakin ang kaalaman at kamalayan ng mga residente sa tamang paraan ng paghihiwalay at pagtatapon ng basura.
Sa nasabing oryentasyon, tinalakay ng MENRO personnel ang tamang pagkakategorya ng basura sa apat na klase—biodegradable, non-biodegradable, recyclable, at residual—kasama ang mga praktikal na hakbang kung paano ito maisasagawa sa antas ng kabahayan. Ipinaliwanag din nila ang kahalagahan ng pagbawas ng basurang dinadala sa sanitary landfill at waste disposal facility sa Urdaneta City, na kasalukuyang ginagamit ng bayan bilang final disposal site.
Ayon sa MENRO, “Ang tamang paghihiwalay ng basura ay hindi lamang tungkulin ng gobyerno, kundi ng bawat mamamayan. Kapag sinimulan natin ito sa ating mga tahanan, malaking tulong ito sa pagbawas ng basura at sa pagpapanatili ng kalinisan ng ating bayan.”
Ibinahagi rin ng mga Punong Barangay at mga Barangay Kagawads ang kanilang pasasalamat sa programang ito ng LGU Lingayen. “Malaking tulong sa amin ang ganitong mga aktibidad dahil nabibigyan ng tamang kaalaman ang aming mga residente. Sa tulong ng MENRO, mas napalalim ang aming pang-unawa sa tamang pagtatapon ng basura at sa responsibilidad namin bilang mga lider ng barangay.”
Kasabay nito, nagpahayag din sila ng kanilang mga suporta na nangakong ipagpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng segregation-at-source policy sa kanilang barangay. “Patuloy naming palalakasin ang information campaign sa aming lugar upang mas marami pang kabahayan ang maging disiplinado sa pagtatapon ng basura,” ayon sa kanila.
Sa pagtatapos ng oryentasyon, hinikayat ng MENRO ang lahat ng barangay na maging katuwang sa layunin ng lokal na pamahalaan na gawing “Mas Malinis at Maayos na Lingayen” — isang bayan na maipagmamalaki dahil sa kooperasyon, disiplina, at malasakit ng bawat Lingayenenses sa kapaligiran.
#SegregateToday,SaveTomorrow
#isangmakakalikasangserbisyosalahat
#IDAYewTayoyLingayen
Click here: https://www.facebook.com/share/p/1AY1NZaAvr/









