Skip to main content

BAYAN NG LINGAYEN, ISINAILALIM NA SA STATE OF CALAMITY

Isinailalim na ngayong araw, ika-4 ng Agosto 2023, sa State of Calamity ang bayan ng Lingayen matapos ipasa ang Resolution No. 475, S-2023 o resolution entitled “Declaring the Municipality of Lingayen, Pangasinan Under State of Calamity Due to the Onslaught of Super Typhoon “Egay” and Typhoon “Falcon” and the Prevailing “Habagat”.
Isinagawa ang Special Session ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Dexter Malicdem bilang tugon sa panawagan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at ng buong Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) na isailalim na sa State of Calamity ang bayan dulot ng matinding pinsalang dala ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha nang nagdaang Super Typhoon “Egay” at ang patuloy na pag-ulan dulot naman ng habagat na pinalakas pa ng Bagyong “Falcon”.
Inerekomenda ito ng MDRRMC batay sa datos na naitala ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Engineering Office (MEO), Municipal Health Office (MHO) at Local Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), na ang tatlumpu’t dalawang (32) barangay sa bayan ang nakaranas ng epekto ng pagbaha.
Sa tala (as of August 4, 2023), may kabuuang 10,766 pamilya o 43,527 indibidwal ang naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha. Bahagyang pinsala ang naiulat sa labing-isang (11) kabahayan, habang isang (1) kabahayan ang ganap na nasira. Sa sektor ng agrikultura, ang inisyal na pinsala ay umabot sa P47,561,899.00 habang nagtala rin ng mga pinsala sa imprastraktura.
Pero hindi pa man isinailalim sa State of Calamity ay tuloy-tuloy na ang naging pagtugon ng lokal na pamahalaan para matulungan ang mga mamamayang naapektuhan ng matinding pag-ulan at baha.
Ayon sa MSWDO, nasa P387,400 na halaga ng food assistance, P110, 092.31 sa medisina, 205 food packs, at mahigit 254 na sako ng bigas ang naipamahagi na sa iba’t-ibang barangay na lubos na naapektuhan.
Minabuti ni Mayor Bataoil na ideklara ito upang magpapahintulot sa LGU na magamit ang bahagi ng local calamity fund para sa mas malawak na pagpapaabot ng tulong sa mga mamayang lubhang naapektuhan ng kalamidad. (MIO)
📸MIO/OVM

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan