Skip to main content

BAYAN NG LINGAYEN, NANATILING ASF FREE

Nanatiling walang kaso ng African Swine Fever o ASF sa bayan ng Lingayen.

Ito ang tiniyak ni Municipal Agriculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz matapos kumalat ang ulat na diumano’y may namatay na baboy dahil sa ASF sa ilang barangay sa bayan.

Sa ginanap na Special Session sa Sangguniang Bayan noong Enero 30, 2020, pinangunahan ni Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho ang pagtalakay sa naturang usapin sa hiling na rin ni Mayor Leopoldo N. Bataoil upang minawan ang mga kumakalat na isyu.

Isa-isang pinag usapan ang mga naglabasang na balita na kalaunan ay nilinaw na hindi pa kumpirmado.

Ayon kay Dr. Dela Cruz, ang pagkamatay ng ilang baboy sa Brgy. Namolan ay isang “suspected case” pa lamang at hindi pa tiyak kung kaso ng ASF. Ibig sabihin, maaaring namatay ang mga ito sa ibang uri ng sakit tulad ng Hog Cholera o classical swine fever.

Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang kanilang opisina at kailangan pang hibtayin ang resulta ng isinagawang blood test sa mga baboy na nakasalamuha ng mga napaulat na namatay na mga alagang baboy. Nakakasiguro naman umano ito na sa kasalukuyan wala pang banta ng African Swine Fever sa bayan kung kaya’t wala din dapat aniyang ipangamba ang publiko.

Tiniyak din ng PNP Lingayen na mas pinaigting nila ang kanilang checkpoint operations partikular na sa mga nagbya-byahe ng livestock. Layon umano ng kanilang hakbang na matiyak na hindi makakapasok sa bayan ang anumang karne na kontaminado ng nakakahawang sakit sa iba pang mga alagang hayop partikular na ang baboy.

Kaugnay naman nito, nilinaw at ipinaliwanag ni Dr. Ferdinand V. Guiang na malubhang nakamamatay ang ASF sa mga baboy ngunit hindi nakikitang banta sa kalusugan ng tao. Taliwas umano ito sa paniniwala ng ilan na may epekto ito sa taong nakakain ng baboy na apektado ng nasabing sakit.

Sa huli, nanawagan sa publiko si Vice Mayor Quiocho kasama na ang iba pang konsehales na itigil na pagpapakalat ng maling impormasyon ukol sa ASF sapagkat maaari umano nitong maapektuhan ang hog industry o kabuhayan ng mga magbababoy sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan