Skip to main content

BAYAN NG LINGAYEN, NOMINADO BILANG MODEL LGU SA IMPLEMENTASYON NG 4PS PROGRAM

Sumailalim sa mabusising ebalwasyon ang bayan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil matapos mahirang bilang isa sa walong munisipalidad na nominado sa Model LGU Implementing Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buong lalawigan ng Pangasinan.

Isang karangalan ang nominasyon na ito dahil indikasyon ito na matagumpay ang mga isinasagawang programa ng lokal na pamahalaan ng Lingayen para mapabuti ang antas ng buhay ng mga miyembro ng 4Ps.

Tinalakay sa nasabing pagtitipon ang iba’t ibang puntong nagpapatunay na effective at efficient ang 4Ps program ng bayan. Kabilang na rito ang iba’t ibang aktibidad na ginagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office, mga parangal at pagkilalang natanggap ng mga miyembro ng 4Ps, maging ang action plan kaugnay sa mga non-compliant beneficiaries.

Bukod dito, naglaan rin ng pagkakataon upang pakinggan ang mga suhestiyon upang mas mapabuti pa ang performance rating partikular na sa larangan ng edukasyon at kalusugan. Ayon kay Ms.Evafe L. Terte,Pangasinan Provincial link-4Ps, kasalukuyang nasa 94.83% ang grado ng Lingayen para sa edukasyon at nangunguna ito kumpara sa iba pang nominadong bayan.

Pinapurihan naman ng Validation Team na pinangunahan ni Ms. Terte at ng mga kasamahan nito na sina PDO I-Montioring and Evaluation Officer I Mr. Ronel Mallorca, LGOO II Carla Joyce Reyes, Youth Development Officer I Rhea Jude Ferrer, at ni PDO I- Monitoring and Evaluation Officer I Ms. Stephanie Angel, ang presentasyon ni Mayor Bataoil dahil komprehensibo umano nitong nilatag hindi lamang ang mga matagumpay nang naisagawa kundi pati na rin ang mga planong gawin upang tugunan ang problema sa non-compliant beneficiaries ng 4Ps.

Makabuluhang natapos ang validation meeting sa pamamagitan ng pagbabahagi ni Mayor Bataoil sa kasabihan mula sa Chinese philosopher na si Lao Tzu “Give a man a fish and you feed him for a day. Teach him how to fish and you feed him for a lifetime.” (MIO/PJBayog)

MIO_GCRueda

 

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan