
BEST PRACTICES NG LINGAYEN IBINAHAGI SA LGU PUERTO PRINSESA
Mainit na tinanggap ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang mga bisita mula sa Puerto Prinsesa, Palawan ngayong araw ng Lunes, Abril 4, 2022.
Pawang mga opisyal ng City Civil Registrar sa Puerto Princesa ang bumisita sa bayan upang makita at alamin ang mga ‘best practices’ na ibinabahagi ng LGU Lingayen partikular na ng Municipal Civil Registrar.
Kabilang na dito ang bagong ‘Automation System’ na ginagamit ng naturang tanggapan upang mas mapadali ang pagproseso ng mga mahahalagang papeles at dokumento.
Nakibahagi sa ginanap na Flag raising ceremony ang mga nasabing bisita na sinundan naman ng mainit na pagtanggap ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama ang lahat ng opisyales at empleyado ng munisipalidad.
Sa kanyang maikling mensahe, ibinahagi ni Ginoong Raul Manuel J. Blas, City Civil Registrar Officer ng Puerto Princesa, Palawan sa LGU Lingayen ang pasasalamat sa maayos na pagsalubong at pagtanggap sa kanila.
Pinuri din nito ang mga magagandang proyekto at adhikain ng lokal na pamahalaan kabilang na ang usapin sa kalinisan. Aniya, maikukumpara nito ang kalinisan ng Lingayen sa bayan na kanilang pinagmulan.
“Napakaganda po ng Lingayen. Noong umikot po kami kahapon ay napakalinis po ng bayan ninyo. Environmentally, napakaganda po dito kagaya ng Palawan at Puerto Princesa. Napakaswerte niyo po dahil ang inyong mayor ay walang tigil sa pag-iisip kung paano po mapapaunlad ang inyong bayan”.
Ilan pa sa mga kasamahan ni Ginoong Blas ay sina Ms. Hazel U. Salazar – Acting Asst. City Civil Registrar/Registration Officer IV, Marichu O. Heredero – Assistant Registration Officer, Rose Nelly V. Ferrer – Administrative Aide III at Bjorn Eriche N. Blas – Administrative Aide II.
Bukod sa pagbibigay kaalaman patungkol sa “automatic computerized system” at ilang best practices ng LGU Lingayen, ay nabigyan din ng pagkakataon na maipasyal ang mga nasabing bisita sa iba’t ibang tourism sites sa bayan. (MIO)