
BHWs MULING SUMAILALIM SA PAGSASANAY… BRGY.LEADERS SUMAILALIM SA ORINETATION UKOL SA KARAHASAN LABAN SA KABABAIHAN
Sumailalim sa training o pagsasanay ang mga barangay health workers (BHW) ng bayan ngayong araw Marso 16, 2021.
Pinangunahan ito ng Municipal Health Office o MHO Lingayen sa pamumuno ni Dr. Sandra V. Gonzales katuwang ang ilang kawani Provincial Health Office (PHO) Pangasinan.
Apat napu’t anim (46) na indibidwal mula sa labing anim (16) na barangay sa bayan ang lumahok dito.
Ang naturang seminar ay tungkol sa re-echo ng pagkuha ng vital signs ng pasyente, mga dapat at tamang gagawin ng BHW sa mga emergency cases and referrals, kung paano mangalaga sa mga buntis at mga bata gayundin ang ang pagbibigay at pagtuturo ng tamang nutrition sa kanilang nasasakupan.
Tinalakay din dito ang iba’t ibang presentasyon tungkol sa pagpapahalaga at moral ng isang lingkod bayan na may layuning makapagpalawak ng kaalaman ng mga BHWs. Kasama rito ang mga aktibidad kung paano sila makikitungo sa isang partikular na sitwasyon. Ito rin ay makatutulong sa kanila upang makapaghatid ng tama, tapat at maayos na serbisyo sa bawat barangay.
Ayon sa Municipal Health Officer ang mga BHWs umano ang dapat na maging katuwang ng mga barangay officials hindi lamang sa trabaho ngunit maging sa pagpapatupad ng mga health protocols. Aniya, sila dapat ang manguna sa pag-implementa nito tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask, face shields at pag obserba sa social distancing.
“You should help your punong barangays lalo na sa pagpapatupad ng health proptocols natin dito sa bayan like wearing of facemask, face shields and observing social distancing. Kayo dapat ang manguna diyan” ani doktora.
Samantala, isang orientation naman ang isinagawa patungkol sa Republic Act 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004” (Anti-VAWC).
Naging katuwang dito ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO at Philippine National Police o PNP Lingayen. Nilahukan naman ito ng mga opisyales tulad na lamang ng mga kapitan at mga brgy kagawad mula sa iba’t ibang barangay.
Layunin ng naturang aktibidad na mas mahikayat ngayong taon ang mga kalalakihan na dumalo sa seminar nang mas maunawaan nila ang nilalaman at kahalagahan ng batas para sa mga kababaihan tulad ng kanilang asawa at kanilang mga anak.
Tampok sa seminar ang mga karaniwang paniniwala tungkol sa mga dahilan ng pisikal na karahasan, pati rin ang pang-aabusong naka-aapekto sa sikolohikal, emosyonal, at pinansiyal na aspeto ng buhay ng mga kababaihan at mga kabataan.
Patuloy naman ang panawagan at apela ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa publiko lalo na sa kanyang mga kababayan na isumbong ang anumang uri ng pang-aabuso at karahasan laban sa mga kabataan at kababaihan. Ang pagre-report aniya ay hindi lamang napakahalagang bahagi ng adhikaing masupil at malabanan ang anumang karahasan ngunit maaari din itong magsalba ng buhay ng isang biktima. (MIO)