
Bigas Para Sa Mga Labis Na Naapektuhan Nang Nagdaang Bagyo Ipinamahagi Ng Lokal Na Pamahalaan
Sako-sakong bigas ang ayudang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa tatlumpu’t dalawang (32) barangay nito ngayong ngayong araw, ika-14 ng Agosto, 2023.
Isinagawa ang distribusyon ng mga bigas para sa mga barangay sa bayan sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil para sa mga labis na naapektuhan ng matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng mga nagdaang bagyong “Egay” at “Falcon”, na mas pinatindi pa ng habagat.
Katuwang sa nasabing pamamahagi ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Local Disaster Risk and Reduction Management Office (LDRRMO), Municipal Special Action Team (MSAT) at ang General Services Office (GSO) ng nasa two thousand four hundred six (2,406) na sako ng bigas na naglalaman ng twenty five (25) kilograms ang bawat isa, na siya namang ipapamahagi ng pamunuan ng mga barangay sa mga kabayahan sa kanilang nasasakupan.
Ang pondong ginamit sa pagbili ng mga ito ay mula sa five percent (5%) calamity fund ng lokal na pamahalaan matapos ipasa sa Sangguniang Bayan ang Resolution No. 475, S-2023 o ang pagdeklara ng State of Calamity sa bayan ng Lingayen noong ika-4 ng Agosto.
“Nakapagbigay na tayo ng paunang ayuda sa ilang mga barangay na lubos na naapektuhan ng pagbaha at pag-ulan. Alam natin na hindi iyon sapat para mabigyan at matugunan ang pangangailangan ng lahat kaya naman nagpurchase tayo ng mga karagdagang bigas at nasa estratehiya na ng mga barangay kung paano ang gagawing distribusyon sa mga kabahayan sa kani-kanilang lugar.” Ito ang naging pahayag ni LDRRM Officer Clark Mamaril.
Tinitiyak naman ni Mayor Bataoil na ang bawat hinaing at suhestyon ng bawat mamamayan ay unti-unting tinutugunan at inaaksyunan ng lokal na pamahalaan. Hinihiling naman ng alkalde ang patuloy na kooperasyon ng bawat Lingayenense at magtulungan para sa sama-samang pagbangon mula sa sakuna na humagupit sa bayan. (MIO/JMMangapot)
📸MIO/KPaulo/GSO