
BLOOD DONATION DRIVE MATAGUMPAY NA IDINAOS
Matagumpay na isinagawa ng Moises J. De Guzman Masonic Lodge No. 161 katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang isang bloodletting activity ngayong Ika-25 ng Abril, 2023.
Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa Lingayen Civic Center kung saan dinaluhan ito ng mga TODA members, empleyado ng munisipalidad, mga interns, kawani ng BFP at PNP at ilan pang mga volunteers.
Walumpu’t pitong (87) bags ng dugo ang nalikom ng naturang grupo mula sa mahigit isang daang indibidwal na nagpakita ng interes na magdonate ng kanilang dugo.
Dumaan sa iba’t ibang screening ang mga donors upang masiguro ang kanilang kaligtasan at pati na din ang mga magiging benepisyaryo o recipients ng mga malilikom na dugo.
Kinuhanan ang mga ito ng vital signs tulad ng blood pressure, hemoglobin level, body weight, blood type at sumailalim din sa medical interview bago ang aktwal na pagbibigay ng dugo.
Layunin ng aktibidad na makapagpaabot ng tulong sa mga nangangailangan ng dugo lalo na ang mga may malubhang karamdaman o emergency cases.
Taos puso naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa lahat ng mga nagsilbing blood donors na kusang-loob na naghandog ng kanilang dugo upang makatulong sa mga kapwa nila nangangailangan.
Samantala, magkakaroon muli ng blood donation drive sa darating na Huwebes, ika-27 ng Abril, 2023 katuwang naman ang Region 1 Medical Center. Para sa mga interesado at nais magdonate, maaaring magtungo sa Lingayen Civic Center sa nabanggit na araw, alas otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali. (MIO_MRLlanillo/JMAquino)