Skip to main content

BLOOD LETTING ACTIVITY, MATAGUMPAY NA ISINAGAWA SA LINGAYEN

Inilunsad ngayong araw, ika-8 ng Pebrero 2024, ang National Voluntary Blood Services Program na may temang “Alay kong Dugo, Mula sa Puso”. Ito ay inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Dexter Malicdem katuwang ang Region 1 Medical Center.

Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa Lingayen Civic Center mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dos ng hapon. Dinaluhan ito ng mga mag-aaral mula Pangasinan State University, empleyado ng munisipalidad, kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen kapulisan at iba pa.

Naghatid ng mensahe si Vice Mayor Mac Dexter Malicdem bilang paanyaya sa mga Lingayenenses na aktibong makisali sa mga programang tiyak na makatutulong sa ating mga kababayan. Nagpasalamat naman ang bise alkalde sa mga nakilahok sa nasabing aktibidad dahil isa itong patunay ng kanilang kabayanihan at pagmamahal sa bayan.

“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pagresponde, sa inyong pagtugon sa aming panawagan na magdonate po ng mga dugo. Sabi ko nga po, mas mainam na tayo ang nagdo-donate kaysa tayo ang mangailangan” pahayag ng bise alkalde.

Samantala, sa naging panayam kay Municipal Health Officer Dr. Heinrich M. Manuel, sinabi nito na “quarterly” ang pagsasagawa ng bloodletting activity sa bayan. Ngayong araw aniya ang unang quarter habang sa darating na buwan ng Mayo ang planong pagsasagawa ng ikalawang quarter nito na gaganapin sa mga southern barangay ng bayan.

Inaanyayahan ang mga Lingayenenses na makibahagi sa blood letting activity dahil malaking tulong ito hindi lamang para sa mga nangangailangan ng dugo kundi para na rin sa kanilang kalusugan. Sa katunayan si Dr. Manuel ay nagawaran ng “Blood Galloner Award” para kaniyang dedikasyon na makapagdonate ng dugo kada-dalawang buwan. Ayon sa kanya, makararanas ng benepisyong medikal ang mga nagdodonate ng dugo dahil napapaganda nito ang kalusugan ng dugo at puso.

Kaugnay nito, ibinahagi naman ni BJ Lopez ng BFP Lingayen–isa sa mga successful donor na “fulfilling” sa pakiramdam ang pagdonate ng dugo lalo na’t alam niyang malaking tulong ito sa mga kababayang higit na nangangailangan upang madugtungan ang kanilang buhay o mapabuti ang kalusugan.

Ang anim na oras na blood letting activity ay nakalikom ng 73 bags mula sa mga donors na binubuo ng mga kawani ng pamahalaan, non-government organizations, at mga pribadong indibidwal.

Ang matagumpay na aktibidad ay may layuning mapunan ang supply ng dugo sa ating blood centers para sa mga pasyenteng nangangailangan nito. Nagpapakita rin ito ng pagtutulungan at pagmamalakasakit sa bawat isang Lingayenense. (MIO_MRVinluan/PBayog)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan