BRAND NEW RESCUE VEHICLES, IPINAGKALOOB NG LGU LINGAYEN SA 32 BARANGAYS NITO
Pormal nang ipinamahagi ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga bagong rescue vehicles para sa tatlumpu’t dalawang (32) barangay sa bayan.
Tinanggap ito ng mga punong barangay kasama ang kanilang barangay officials ngayong araw Pebrero 22, 2022 na ginanap sa Lingayen Civic Center.
Present sa nasabing aktibidad si Vice Mayor Judy Vargas Quiocho kasama ang mga konsehales, department heads, PNP, BFP at ilang mga empleyado ng munisipalidad at mga panauhin. Personal ding dumalo dito si 2nd District Congressman Jumel Anthony I. Espino.
Una munang isinagawa ang Municipal Development Council Meeting na pinangunahan mismo ni Municipal Local Government Operations Officer Gabriel G. Cornel at Municipal Planning and Development Office.
Bago naman tuluyang isagawa ang turnover at blessing ng mga sasakyan, nagkaroon muna ng isang maikling programa kung saan nagbigay ng kanyang mensahe si Congressman Espino.
Pinuri ng opisyal ang pamumuno na mayroon ang Lingayen pati na ang pagsasagawa ng mga proyektong pwedeng mapakinabangan ng mga Lingayenense. Isang halimbawa na lamang umano ang ipinamahaging rescue vehicles na malaking tulong sa publiko.
“Dito ninyo po makikita na mayroon po kayong good leadership in your town at ang proyektong ito po ay ginawa po mismo para sa mamamayan ng Lingayen. Maaring ilaan sa covered courts, street lights o daan ang pwedeng mapagawa sa pondong inilaan sa mga sasakyan pero mas mahalaga ito kasi isang buhay lang ang mailigtas ng mga rescue vehicles na ito, napakalaking tulong na” pahayag ng kongresista.
Para naman kay Mayor Bataoil, hindi maisasakatuparan ang nabanggit na proyekto kung hindi dahil sa tulong ng Sangguniang Bayan. At sa mahusay na pagpa-plano at mangangalaga sa kaban ng bayan.
‘Bilang inyong Mayor, hindi ako makakagalaw dito kung hindi supportive ang Sangguniang Bayan under the leadership mismo ni Vice Mayor Judy Vargas Quiocho. Dahil sa tulong nila ay naisasakatuparan natin ang mga katulad nitong proyektong makabuluhan’ ani Mayor Bataoil.
Ang mga ipinamahaging rescue vehicles ay mula mismo sa pondo ng LGU Lingayen. Ito ang mula sa mga taxes o buwis na ibinabayad ng mga mamamayan.
‘This is where the people’s money (taxes) go’ pahayag ng alkalde.
Hiling naman ni Mayor Bataoil sa mga opisyales ng barangay na alagaan at pahalagahan ang mga ipinamahaging sasakyan. Siguraduhin din aniya na gamitin ang mga ito sa pagtugon sa mga ’emergency situations’ kabilang na ang pangangailangang pangkalusugan at medikal.
Nagtapos ang maikling programa sa pamamagitan ng simpleng pagparada o motorcade ng mga rescue vehicles sakay ang mga barangay officials nito. (MIO/MBL)