
BRGY. DULAG MAY BAGO NG KAPITAN, INTERNSHIP PROGRAM NG ISANG LINGAYENENSE SA TAIWAN SUPORTADO NG LGU
Pormal nang nanumpa sa tungkulin ngayong araw ng Lunes, Mayo 3, 2021 si Brgy. 1st Kagawad Fernando Paragas ng Brgy. Dulag, Lingayen bilang bagong Punong Barangay nito.
Hahalili bilang punong barangay si Paragas matapos ang pagpanaw ng kanyang kapwa public servant na si Kapitan Benjie Mararac at kanyang paglilingkuran ang nalalabing termino nito.
Mismong si Mayor Leopoldo N. Bataoil ang nanguna sa simpleng seremonya kasabay ng Monday Flag Raising Ceremony at nagbigay din ito ng maikling mensahe para sa naturang opisyal.
Payo ng alkalde, ipagpatuloy nito ang mga programa na nabuo patungkol sa pagpapatatag ng isang maayos at disiplinadong barangay. Hiniling din nito na tuparin ng buong husay at katapatan sa abot ng kanyang makakaya ang mga tungkulin ng tapat at maaasahang lider ng isang komunidad. Pinasalamatan at kinikikilala rin ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang naging serbisyo sa taumbayan nang yumaong punong barangay ng Dulag kamakailan.
Samantala, binigyan din ng pagkilala ng LGU Lingayen si Ginoong Ricky Fernandez ng Barangay Matalava, matapos itong mapabilang sa listahan ng mga kwalipikadong magsasaka na sasailalim sa Internship Program ng Department of Agriculture.
Nakatakdang magtungo si Fernandez sa bansang Taiwan at doon sasalang ng labing isang buwang (11 months) training na may kinalaman sa mga sumusunod:
-agricultural and fisheries techniques
-crop planting and animal husbandry
– marketing strategies and mechanisms
-cooperative management and enhancement of competencies discipline and values.
Ang Filipino Young Farmer’s Internship Program ay suportado ng Agricultural Training Institute ng Department of Agriculture. (MIO)