Bukod sa pagbabakuna kontra COVID-19, umarangkada na rin ang immunization program ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen kaugnay sa Measles Rubella (MR) at Tetanus Diptheria (TD)
Sakop ng libreng bakuna ang mga kabataang nasa edad anim (6) hanggang pito (7) at labing dalawa (12) at labing tatlong (13) taong gulang.
Ayon sa Municipal Health Office ng bayan, ang bakuna ay subok nang pinakamabisang paraan para labanan ang tigdas. Makakatulong din umano ito upang maiwasan ang panibagong outbreak kaugnay sa nabanggit na sakit.
Kaya’t nananawagan ang naturang tanggapan sa publiko lalo na sa mga magulang na pabakunahan ang kani-kanilang mga anak upang magkaroon ang mga ito ng sapat na proteksyon sa katawan.
Mangyari lamang na tignan ang mga iskedyul ng kada barangay na mabibigyan ng libreng bakuna.
Kasabay nito, tiniyak ng LGU Lingayen na mahigpit na ipapatupad ang safety protocols sa pagpapabakuna sa mga kabataan. Sisiguraduhin umano ng mga mga tauhan na magbibigay ng bakuna, o ang tinatawag na vaccinators, ay magsusuot ng personal protective equipment (PPE) at magpapahid ng alcohol o alcohol-based sanitizer kada turok sa pasyente. Alinsunod ang mga ito sa umiiral pa ring health at safety protocols ngayong panahon ng pandemya.
Para sa ibang mga katanungan kaugnay sa bakuna kontra Measles Rubella (MR) at Tetanus Diptheria (TD) maaaring lumapit sa mga Barangay Health Workers o BHW’s ng inyong mga barangay. (MIO)