Skip to main content

BUNTIS CONGRESS TAGUMPAY NA IDINAOS NG MHO LINGAYEN

BUNTIS CONGRESS TAGUMPAY NA IDINAOS NG MHO LINGAYEN

Tinatayang nasa 50 bilang ng mga buntis sa bayan ang dumalo sa Buntis Congress na inorganisa ng Municipal Health Office o MHO Lingayen ngayong araw ng Martes, ika-23 ng Abril, 2024.

Sa nasabing aktibidad, nagkaroon ng pagkakataon ang mga nagdadalang tao na mabigyan ng kaalaman ukol sa kanilang ligtas na pagbubuntis. Layon din nito na magabayan ang mga kababaihan sa tamang pag aalaga sa sarili habang nagbubuntis at maiwasan ang kaso ng maternal death.

Ipinaliwanag din sa mga dumalong nanay ang kahalagahan ng pre-natal check-up, pagkakaloob ng immunization o pagbabakuna sa nanay tulad na lamang ng tetanus toxoid, wastong nutrisyon, kahalagahan ng breastfeeding pati na ang mga maaaring makuhang komplikasyon sa panahon ng pagdadalantao.

Bukod pa rito, nabigyan din ng pagkakataon ang mga buntis na sumailalim sa libreng pre natal check up tulad ng glucose test, checking at monitoring ng Blood Pressure, dental at iba pa. Mayroon ding libreng vitamins na ipinamahagi sa mga ito upang mas maging “healthy” pa ang kanilang pagbubuntis.

Ang Buntis Congress ay isa lamang sa hakbang ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno na rin ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na maiparating sa mga kababayang nagbubuntis ang mga programa na inilaan para sa kanila at mapanatili ang maayos at malusog na kalusugan habang hinihintay ang kanilang panganganak. Tema ng aktibidad ngayong taon ay “Anak ko, Buhay ko, Mahal ko”. (MIO_MRVinluan)

📸MIO/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan