
BUWAN NG KABABAIHAN, IPINAGDIRIWANG SA BAYAN NG LINGAYEN SA KABILA NG PANDEMYA
Nakiki-isa ang lokal na pamahalaan ng Lingayen sa selebrasyon ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Juana Laban sa Pandemya Kaya”. Binibigyang diin dito ang pagkilala, plataporma at panawagan sa mga nagawa ng ordinaryong Juana sa lipunan bilang mga tagapag tuklas at tagapag balita ng pagbabago.
Kasabay ng pagdiriwang ay ang ilan ding mga aktibidad na inihanda ng LGU Lingayen para sa mga kababaihan sa bayan.
Kabilang na dito ang libreng pamamahagi ng facemask, faceshield, spray bottles at EIC Materials sa mga kababaihang frontliners.
Isasagawa din ang isang thanksgiving mass, isang short program na tatalakay sa mga kakaiba at natatanging mga babae at CineJuana o isang film showing.
Nakatakda ding bigyan ng simpleng token of appreciation ang mga masisipag na kababaihang market vendors.
Idadaos naman ng Municipal Social Welfare Development Office o MSWDO Lingayen ang isang simposyum na tatalakay sa mga karapatan ng mga kababaihan at mga kabataan.
Magkakaroon din ng libreng check up o reproductive health services ang Municipal Health Office samantalang libreng legal assistance at consultation naman ang hatid ni Atty. Dominic Evangelista, ang Legal Officer ng munisipalidad.
Bukod pa dyan, magkakaroon din ng isang Livelihood Training na pangungunahan naman ng Office of the Provincial Agriculture o OPAG.
Samantala, taos-puso ang pasasalamat ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga kababaihan na patuloy na lumalaban sa hamon o banta ng pandemya dulot ng COVID-19 maitaguyod lamang ang pamilya, lalo na sa mga kawani ng ahensya na patuloy na naglilingkod at tumutupad sa kanilang tungkulin nang buong kahusayan at katapatan.
Samanatala nangako naman si Vice-Mayor Judy Vargas-Quicho, isa ring kilalang champion ng mga kababaihan sa bayan, na ipagpapatuloy ng lokal na gobyerno ang pagbibigay ng mga serbisyo at programa na sumusuporta sa adhikaing bigyan ng pagpapahalaga ang mga kababaihan.
Itinalaga ang buwan ng Marso bilang Buwan ng Kababaihan sa bisa ng Presidential Proclamation No. 224, s. 1988 habang ipina-uutos naman sa ilalim ng Republic Act No. 6949 ang paggunita sa “Araw ng Kababaihan” tuwing ika-8 ng Marso ng bawat taon. (MIO)