Skip to main content

CAMPAIGN PERIOD PARA SA BARANGAY AT SK ELECTION 2023, NAGSIMULA NA

Umarangkada na kahapon, Oktubre 19, 2023 ang official campaign period para sa mga tatakbong kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan o BSKElection 2023 sa bayan.
Kanya kanyang pakulo ang ipinakita ng mga kumakandidato sa unang araw ng pangangampanya. May mga maagang nagsagawa ng motorcade habang ang ilan ay nagdikit na ng kanilang mga posters at nagpamahagi ng campaign materials.
Ikinatuwa naman ng COMELEC Lingayen ang payapa at maayos na pagdaraos ng naturang aktibidad na tatagal umano ng sampung (10) araw.
Ayon kay COMELEC Officer Reina Corazon, kasabay ng pagsisimula ng kampanya ay ang monitoring din ng kanilang tanggapan sa mga tumatakbong opisyal. Ito’y upang matiyak kung nakasusunod nga ba sa itinakdang panuntunan ng COMELEC ang mga kumakandidato.
Batay kasi sa Comelec Resolution, mahigpit na ipinagbabawala ang paglalagay ng billboards, posters, tarpaulins at individual posters na lalagpas sa sukat na 2×3 feet. Bawal din umano ang pagkakabit nito sa mga puno, poste ng kuryente at iba pang katulad na lugar. Mahigpit ding paalala ng komisyon sa mga kandidato na bawal rin ang pamamahagi ng mga bagay na may halaga tulad na lamang ng ballpens, tshirt maski na umano candies dahil maituturing itong ‘vote buying’.
‘Lahat ng mga bawal sundin po. Bawal po mamigay ng kahit ano. T-shirts, ballpen even candies po, bawal po iyan. Ang ibibigay lang po ay ang mga tarheta o yong mga allowable campaign materials at allowable size ng mga posters which is 2×3 feet. Ilagay po natin ang lahat nang ito sa common poster area o doon sa mga private properties. Sana po sundin natin lahat ito, dagdag na pahayag ni COMELEC Officer Corazon.
Hinimok din nito ang publiko na ireport lamang sa kanilang tanggapan o kaya’y social media accounts ang anumang mga maitalang paglabag o campaign violations.
Para sa mga complaints o kaso ng illegal campaign materials, maaari itong ireport sa COMELEC Law Office habang ang complaints o sumbong ukol sa vote buying o vote selling ay maaaring ireport naman sa KontraBigay o Law department ng naturang tanggapan.
Samantala nagsagawa naman ngayong Byernes ang COMELEC katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng “Oplan Baklas” ng mga campaign posters na nakalagay sa mga ipinagbabawal na lugar. (MIO_MRVinluan/JMMangapot)
📸MIO

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan