Skip to main content

CAMPAIGN POSTERS/MATERIALS PINANAWAGANG BAKLASIN NA


Nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa publiko na simulan na ang paglilinis ng election-related paraphernalia ngayong tapos na ang 2022 national and local elections.

Ito ay matapos maglabas ng deriktiba ang Department of Interior and Local Government kamakailan na nag aatas sa lahat ng LGU na baklasin ang mga campaign materials na isinabit o idinikit partikular na sa mga government properties.

Binigyan lamang ng naturang kagawaran ng tatlong araw (3 days) na palugit ang mga lokal na pamahalaan upang gawin at isakatuparan ang nasabing kautusan.

Humihiling naman ng koordinasyon si Mayor Bataoil at naki-usap sa kanyang mga barangay at maging mga kapwa kandidato na sundin na ito dahil hangad lamang aniya ng pamahalaan na maging malinis at maaliwalas ang bayan ng Lingayen.

Nanawagan din ito na itapon sa tamang lagayan ang mga nabaklas na election posters, tarpaulin at iba pang campaign materials upang maalagaan at mapanatili pa rin ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran. Ani Mayor Bataoil, tulad ng pagsuporta sa ibinotong kandidato ay dapat ding ipakita ang pagmamahal sa kalikasan.

Samantala, kaugnay nito, naglabas na rin ng memo si Municipal Local Government Operations Officer Gabriel G. Cornel sa lahat ng mga punong barangay na tumulong na rin sa pagbabaklas ng mga nasabing campaign materials. Umapela rin ito sa tamang pagtatapon o ‘proper segregation’ ng mga makukuhang election posters alinsunod sa Republic Act Number 9003 o mas kilala sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan