
CENSUS SA BAYAN, SISIMULAN SA MAYO
Nakatakdang isagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) Provincial Statistical Office ang ‘census of housing & population’ sa darating na ika-4 ng Mayo 4 hanggang ika-1 ng Hunyo, 2020.
Ito ang inanunsyo ng naturang tanggapan sa naganap na 1st Municipal Census Coordination Board Meeting sa bayan ngayong araw, ika-6 ng Marso.
Dinaluhan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang naturang pulong kasama ang ilang LGU department heads, kinatawan ng Liga ng mga Barangay, Department of Education, PNP, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Unang tinalakay ang kahalahagahan at gamit ng statistics sa pang araw araw na buhay ng tao kabilang na ang naaprubahang Resolusyon Bilang 05 ng taong 2019 kung saan, sa pamamagitan ng Philippine Statistics Board ay lilikha ng konseho o komitiba sa national, regional, provincial, city, at municipal levels na magpapatupad sa Republic Act 10625 o mas kilala bilang Philippine Statistical Act of 2013.
Ito ang magsisilbing mekanismo upang mas mapabuti pa ang statistical coordination mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Hiniling naman ni Mayor Bataoil ang kooperasyon ng mga kinauukulan lalo na ang mga empleyado ng munisipalidad patungkol sa naturang usapin.
“Dapat nating ipakita na ang standard of Government Service ng Lingayen is like a city kahit na 1st class town lang ang ating bayan” ani Mayor Bataoil.
Nanawagan din ito sa kooperasyon ng kanyang mga kababayan na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang totoo at tamang personal information oras na umpisahan na aniya ng PSA ang pagpunta sa mga bahay-bahay.
Samantala, ayon kay Daisy Mae M. Fernandez, Statistical Specialist II ng PSA Pangasinan, ang kanilang tanggapan ang mangunguna sa isasagawang census data gathering.
Ipinaliwanag niya na ang makokolektang bagong impormasyon o updated statistical inputs at population and housing data ay malaking tulong sa lokal na pamahalaan ng Lingayen bilang batayan sa mga ipapatupad nitong proyekto at programang pang-kaunlaran.
Nilinaw din ni Fernandez na hindi maiikonsidera bilang violation ng Data Privacy Act ang gagawing aktibidad sapagkat may mga polisiya na gagabay sa kanila.
Umaasa naman ang PSA Pangasinan sa pakiki-isa dito ng publiko para sa tagumpay ng 2020 Census of Population sa bayan ng Lingayen. (MIO)