Skip to main content

CENTENARIAN, PINAGKALOOBAN NG CASH INCENTIVE NG LGU LINGAYEN

Kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-100 kaarawan noong Agosto 16, 2020, binigyan ng pagpupugay ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang kauna-unahang senior citizen na ginawaran ng Centenarian Award sa bayan.

Pinangunahan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice-Mayor kasama ang Office of the Senior Citizen Affairs at Municipal Social Welfare and Development Office ang pagbibigay ng sampung libong pisong (P10,000) cash gift kay Lola Josefina P. Viray mula sa Brgy Balangobong.

Personal na dinalaw at binisita ng alkalde kasama si Vice Mayor Judy Vargas Quiocho at Konsehal Jay Mark Kevin Crisostomo ang tahanan ni Lola Josefina at ini-abot ang P10,000 pesos cash goft, plaque of recognition, isang bouquet ng bulaklak, relief items, mga prutas, gamot at mga bitamina.

Ayon kay Mayor Bataoil, isang pribelehiyo ang pagbibigay pugay sa mga matatanda lalo na’t sila ang nagmistulang mga saksi sa mga naging kaganapan sa bayan matapos ang ilang dekadang paninirahan sa Lingayen.

Bukod sa cash gift at iba pang relief items na natanggap mula sa LGU Lingayen, nakatakda nang iproseso ang pagbibigyan ng hiwalay na isang daang libong pisong ( Php 100,000.00 ) insentibo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para kay Lola Josefina.

Ito ay bilang bahagi ng Centenarian Act of 2016 kung saan binibigyan ng pamahalaan ang mga senior citizen na aabot ang edad sa 100 taon o higit pa.

Isa din ito sa estratehiya ng gobyerno upang kilalanin ang kontribusyon ng mga matatandang miyembro ng pamilya sa bawat komunidad. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan