
CHECKPOINTS, MAS HIHIGPITAN
Asahan ang mas mahigpit na seguridad sa mga itinalagang checkpoints.
Ito ang binigyang diin ng Philippine National Police o PNP Lingayen bilang agarang tugon sa pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bayan.
Ayon sa pulisya, kinakailangan nilang siguruhin na ang lahat ng papasok sa Lingayen ay mga awtorisado batay sa alituntunin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Kabilang na rito ang mga authorized persons outside residence (APOR) at mga essential workers.
Ginawa ng pulisya ang naturang hakbang upang mapababa ang bilang ng COVID-19 sa lokalidad lalo’t karamihan sa naging kaso sa nasabing bayan ay may travel history.
Mahigpit namang ipinababatid sa mga uuwi sa bayan na paghandaan ang mga dokumentong kailangang ipakita sa checkpoint gaya ng mga sumusunod:
1. Negative RT- PCR test kasama ang contact details ng klinika o hospital na nagsagawa nito
2. Medical certificate galing sa Municipal o City Health Office ng pinanggalingang lugar
3. Return to Work Order o Call to Work Order
4. Valid ID at
5. Certificate of Employment
Kaugnay nito, muling naanawagan sa publiko si Mayor Leopoldo N. Bataoil na iwasan na ang pag gala o paglabas ng bahay lalo na kung hindi rin lang importante ang lakad.
Mainam aniyang manatili na lamang sa bahay kung hindi naman itinuturing na APOR at palakasin ang resistensya at kalusugan lalo na ngayong panahon ng pandemya. (MIO)