Skip to main content

CHILDREN’S CONGRESS, IPINAGDIWANG SA BAYAN NG LINGAYEN

Napuno ng kasiyahan at patimpalak ang ginanap na Children’s Congress ngayong araw, ika-21 ng Hunyo, 2023 na pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Ang naturang programa ay dinaluhan ng mga child representatives at child development workers mula sa tatlumpu’t dalawang (32) barangay ng Lingayen, mga mag-aaral at mga guro mula sa iba’t-ibang elementary schools, mga magulang, at ilang kawani mula sa bayan.
Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Konsehal Rasel Cuaresma, tagapangulo ng kumite sa women, children, handicapped at gender equality at si Konsehal Jolo Lopez na siya namang tagapangulo ng kumite sa edukasyon, arts at culture.
Sa mensahe ng panauhing pandangal na si Mr. Richard Dizon, Project Development Officer III ng Pangasinan Social Welfare and Development Office (PSWDO), kaniyang binigyang diin ang importansya ng kolektibong pagkilos at naniniwala siya sa kakayahan ng mga mag-aaral bilang mga ahente ng pagbabago tungo sa isang aktibong pagtugon sa mga problemang pangkalikasan at panlipunan.
Ayon naman kay Municipal Social Welfare and Development Officer Lorenza R. Decena, layon ng programa na gawing isang magandang ehemplo ang mga nakilahok upang ma-enganyo ang kanilang kapwa mag-aaral na sumali sa mga aktibidad sa kanilang mga barangay at paaralan.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ay, “Kabataan ang Pag-asa ng bayan, Tutukan at Gabayan para sa Magandang Kinabukasan”. Kabilang sa mga paligsahan na tampok ay ang logo contest, sayaw ng lahi, at sabayang pagbigkas. Ang lahat naman naman ng nagwagi sa mga patimpalak ay nag-uwi ng sertipiko at papremyo.
Tiniyak naman ni Mayor Bataoil na patuloy ang suporta at pagbibigay serbisyo ng lokal ng pamahalaan para sa tuloy-tuloy na paghubog at paglinang sa kakayanan at kaalaman ng mga kabataan sa bayan. (MIO)
📸MIO/DDeGuzman

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan