CLIMATE CHANGE SUMMIT, GINANAP SA LINGAYEN
Bumisita ngayong araw, ika-4 ng Hulyo 2023, sa bayan ng Lingayen, si Commissioner Albert P. Dela Cruz Sr. ng Climate Change Commission bilang panauhing pandangal sa Climate Change Summit- Consultative Meeting ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Nakiisa rin sa naturang aktibidad ang ilang opisyal ng pamahalaang panlalawigan na sina Governor Ramon V. Guico III na inirepresenta naman ni Attorney Julius Cesar Peralta, na siyang consultant sa social at political policy structure ng opisina ng gobernador, naroon din si Mayor Marlyn Agbayani ng bayan ng San Fabian, Former Manila Congressman Carlo Lopez, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Mac Dexter Malicdem .
Kabilang naman sa mga kalahok sa programa ay ang mga representante ng mga lokal na pamahalaan ng bawat munisipalidad at siyudad sa Pangasinan partikular ang mga MENRO officers, Fisherfolk & Farmers Organization, Women’s Organization, Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) ng bawat barangay sa Lingayen, CEPAS Marketer’s Association, Lingayen Bantay Kalikasan, Overseas Filipino Workers (OFW) Family Circle, Baywalk Vendors Federation, Philippine Red Cross- Pangasinan Chapter, Green Eye Movement, mga propesor at estudyante mula sa Pangasinan State University (PSU) Binmaley Campus, at mga media partners.
Layon ng aktibidad na ipalaganap sa publiko at sa mga stakeholders, ang kamalayan at dagdag kaalaman ng tamang implementasyon ng mga “local adaptation programs and projects” para mabawasan ang epekto ng global warming at climate change na nararanasan sa mundo.
Ayon kay Commissioner Dela Cruz, lahat ng naninirahan sa mundo lalo tayong mga Pilipino ay biktima ng climate change ngunit lahat rin ng Pilipino ay maaaring maging ahente ng pagbabago sa pagsugpo o mapabagal at mabawasan ang matinding epekto ng global warming. Apela nito, lahat ay kumilos at mahalin ang Inang kalikasan ng sa ganoo’y ang mga magagandang lugar na natatanaw sa kasalukuyan ay masulyapan pa rin ng mga susunod na henerasyon.
Tinitiyak naman ni Mayor Bataoil sa mga kalahok at maging sa pamunuan ng climate change commission ang patuloy na implementasyon ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ng mga “sustainable environmental projects” para sa mas dekalidad at ligtas na pamayanan at bilang pagmamalasakit rin sa kapaligiran. (MIO/JMMangapot)
📸MIO/GcRueda/KPaulo/DDeGuzman