
COMMUNITY PANTRIES, PINAALALAHANANG SUMUNOD SA MGA IPINATUTUPAD NA HEALTH PROTOCOLS
Nagpaalala si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga nag-oorganisa ng community pantries sa bayan na siguruhing nakakasunod sa kaayusan, health protocols, at peace and order habang isinasagawa ang kani-kanilang programa sa iba’t ibang panig sa bayan.
Alinsunod na rin ito sa guidelines na ibinaba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kamakailan.
Nakapaloob sa nasabing panuntunan na bagamt hindi na kailangan ng permit mula sa LGU ay kinakailangan naman na makipag-ugnayan ng mga organizer ng community pantry sa lokal na pamahalaan at barangay bago makapamahagi ng pagkain at iba pang gamit.
Dapat din siguraduhing naipatutupad ang minimum public health standards at mapanatili ang kalinisan ng lugar o lokasyon ng nasabing community pantry.
Mahigpit na ipinagbabawal naman dito ang pamamahagi ng alak o anumang nakalalasing na inumin pati na ang sigarilyo. Bawal din ang paglalagay ng mga pangalan, larawan o signages ng mga politiko.
Una nang inihayag ni Mayor Bataoil na suportado nito ang hangarin ng marami na makatulong sa kapwa na apektado ng COVID-19. Sa katunayan, labis ang pasasalamat nito sa mga nag oorganisa ng ganitong uri ng aktibidad para sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan ngunit paalala pa rin ng alkalde na kailangang pa ring sundin ang minimum health protocols at matiyak na may sanitasyon at kaayusan ang lugar.
Nagsimula ang mga nasabing pantries sa pamimigay ng mga libreng essential supplies at pagkain. Ang prinsipyong “Magbigay ng ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan,” ay ang batayang konsepto nang pamamahagi na sinimulan ng Maginhawa Community Pantry. (MIO)