
COUGH CARAVAN, MATAGUMPAY NA IDINAOS
Isa na namang aktibidad ang tagumpay na naidaos ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ngayong araw ng Huwebes, Agosto 4, 2022.
Nasa isang daan at labing limang (115) indibidwal sa bayan ang nabigyan ng libreng serbisyong X-ray at mga gamot mula sa isinagawang Cough Caravan ng Pangasinan Provincial Health Office katuwang ang Philippine Business for Social Progress at RCG Premier Foundation Inc.
Ayon sa Municipal Health Office (MHO) Lingayen, sa 115 na bilang ng sumailalim sa free Chest Xray, walumpu’t tatlo (83) ang nagnegatibo habang tatlumpu’t dalawa (32) naman dito ang naitalang positibo sa sakit na Tuberculosis.
Ngunit paglilinaw ng naturang tanggapan, hindi umano ito dapat ikabahala dahil sila’y nabigyan ng libreng gamot na tatagal ng anim na buwan.
Bukod pa rito, nagbigay din ang PBSP at RCG ng food pack na bigas at noodles sa mga indibidwal na sumailalim sa naturang medical assessment.
Ang Cough Caravan ay isa lamang sa mga programa na isinusulong ng mga health sectors upang paigtingin ang kampanya laban sa Tuberculosis o TB.
Ito ay tyempo rin sa pagdiriwang National Lung Month at National Tuberculosis Awareness Month ngayong Agosto. Kabilang din ito sa National Strategic Plan 2017-2025 na may layuning isulong ang ‘End TB Strategy’ at kalaunan ay makakatulong sa National Tuberculosis Program ng pamahalaan. (MIO)