Skip to main content

COVID-19 IMMUNIZATION ROLL-OUT SA LINGAYEN, SINIMULAN NA!

Pormal nang sinimulan ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ngayong araw, Marso 18, 2021 ang vaccination rollout sa bayan.

Unang tumanggap ng AstraZeneca shot si Rowena Teresa Ocampo ng Brgy. Poblacion, Lingayen, isang medical frontliner mula Sto. Nino De Casipit General Hospital. Proud umano sa pakiramdam na sa wakas ay nakarating na ang bakuna sa bayan ng Lingayen.

Hinikayat naman niya na tangkilikin ang bakuna upang maging proteksyon hindi lamang ng sarili kundi ng buong komunidad.

Kabilang naman sa mga unang senior citizens sa larangang medikal ang tumanggap ng vaccine sina Zenaida Soriano, 84 years old, isang pharmacist at ang 78 years old na si Roberto Arcinue, isa ring medical frontliner. Naniniwala umano si Arcinue na maganda ang maidudulot ng bakuna sa kanyang katawan dahil magpro-produce ito ng anti-bodies para malabanan ang virus. Mataas din aniya ang efficacy nito sa mga sa mga moderate at severe cases base na rin sa mga pag aaral na kanyang nabasa.

Proteksyon naman para sa sarili at para na rin sa kaniyang pamilya ang dahilan ni Arnelio Santos, 37 years old mula Brgy. Baay at isa ding frontliner ng Urduja General Hospital sa bayan.

Naniniwala umano si Santos na ang kusang pagpapabakuna ang pinakamahusay na proteksyon upang maiwasan na ang pagkalat ng virus dulot ng COVID-19.

Target na mabakunahan ang nasa mahigit dalawang daang (200) medical frontliners ng mga pribadong hospital sa Lingayen hanggang Marso 21, 2021.

Personal namang pinasalamatan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga medical frontliners na unang nakatanggap ng bakuna ng AstraZeneca dahil sa pagpapakita ng interes dito pati na ang pag-iimpluwensya at paghihikayat sa iba pa niyang mga kababayan.

Maging si Vice Mayor Judy Vargas Quiocho ay nagpa-abot din ng pasasalamat sa mga katuwang na ahensya dahil sa walang sawang pagsuporta at patuloy na pag gabay sa Lokal na Pamahalaan upang maghatid ng serbisyong kinakailangan ng mga Lingayenense upang labanan ang kinakaharap na krisis dulot ng COVID-19.

Muli namang siniguro ng LGU Lingayen na hindi ito magpapakampante at iginiit na patuloy na ipatutupad ang health and safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa kabila ng pagdating ng bakuna sa bayan.

Samantala bukas, March 19 ay sasailalim ang iba pang medical frontliners sa bayan sa pagbabakuna gamit ang Sinovac sa parehong venue nito sa Lingayen Civic Center. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan