
CURFEW, IPINATUTUPAD PA RIN!
Mahigpit pa ring ipinapatupad ang curfew hour sa bayan.
Ito ang muling nilinaw at ipinaalala sa publiko ng Philippine National Police o PNP Lingayen.
Ayon sa naturang tanggapan, sakop ng naturang curfew ang 32 barangay sa bayan bilang bahagi pa rin ng kampanya upang maiwasan ang pagkalat ng coronovirus disease 2019 (COVID-19).
Parte din umano ito ng kanilang kampanya na siguruhing ligtas at payapa ang bawat komunidad para sa kapakanan ng lahat.
Ayon pa sa PNP Lingayen, magtatagal ang implementasyon ng Curfew Hours hangga’t umiiral ang Modified General Community Quarantine o MGCQ sa probinsya ng Pangasinan.
Base sa Ordinance No. 83 S-2020 na lagda ni Councilor Rasel Cuaresma, mahigpit na ipinatutupad ang “curfew hours” mula alas otso ng gabi (8PM) hanggang ala singko ng umaga (5AM) lalong lalo na sa mga menor de edad. Sa loob ng mga nabanggit na oras, mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng “area of residence” at operasyon ng mga negosyo.
Hindi naman saklaw ng curfew ang mga health workers, mga opisyal ng barangay at mga empleyadong otorisado ng punong barangay at mga awtorisadong kawani ng gobyerno na nagsasagawa ng mga proyekto at inisyatibo na tumutugon sa COVID-19.
Hindi rin saklaw ng curfew ang mga nagtatrabaho sa gabi o mga papasok at pauwi galing sa trabaho gayundin ang mga nagbibigay ng pangunahing serbisyo at may biyahe o patungong airport.
Kaugnay nito, hiniling din ng PNP Lingayen ang presensya at kooperasyon ng mga barangay tanod.
Kakailanganin umano ang tulong ng mga ito lalo na sa pagpapatrolya sa mga komunidad para mahigpit na maipatupad ang quarantine guidelines.
Mahalaga din umano ang pagsasagawa ng regular na community patrol para mas sumunod ang mga residente sa bawat barangay lalo na sa mga ipinapatupad na minimum health safety standards sa bayan. (MIO)