
DA MULING NAG-ABOT NG TULONG SA ILANG HOG RAISERS SA BAYAN
Tumanggap ng kambing bilang ayuda ang mga magsasaka at magbababoy sa bayan ngayong araw Pebrero 11, 2021.
Ito’y bahagi pa rin ng tulong na hatid ng Department of Agriculture (DA) sa mga indibidwal na lubos na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa African Swine Fever o ASF. Tatlumpu’t anim (36) na indibidwal mula sa mga Brgy. Rosario, Quibaol, Aliwekwek at Lasip ang maswerteng nabigyan ng alagang kambing sa ilalim na rin ng Convergence Livelihood Assistance for Agrarian Reform Beneficiaries Program o CLAAP.
Ayon sa Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen karagdagang tulong ito ng pamahalaan para sa mga magsasakang naapektuhan ng ASF upang mabigyan sila ng pagkakataong makabawi sa pagkalugi at makapagsimulang muli.
Tiniyak naman ng Lokal na Pamahalaan na patuloy na maghahanap ng pondo o kaukulang tulong mula sa national government upang matulungan ang mga magsasaka sa bayan lalo na ngayong nakakaranas pa rin ang bansa hindi lamang ng ASF kundi maging ng pandemyang dulot ng coronavirus disease o COVID-19. (MIO)