
DALAWANG CENTENARIAN NG LINGAYEN, BINIGYANG PAGKILALA
Ginawaran at binigyang pagkilala ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang dalawang centenarian o mga indibidwal na may edad na isang daang taon pataas sa bayan ngayong araw Hunyo 9, 2021.
Personal na tinungo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama pa ang ibang opsiyal sa bayan sina Lola Hermogina T. Perez at LoLa Trinidad B. Reyes na kapwa residente ng Brgy. Poblacion sa bayan.
Ipinagdiwang ni Lola Hermogina ang kanyang ika-isang daang kaarawan noong Abril 19, 2021 habang nito lamang nakaraang Mayo 22 si Lola Trinidad.
Tumanggap ng tig sampung libong piso (P10,000) na cash gift, plaque of recognition, isang bouquet ng bulaklak, relief items, mga prutas, gamot at mga bitamina ang mga nabanggit na centenarian.
Bukod sa cash gift at iba pang relief items na natanggap mula sa LGU Lingayen, nakatakda nang iproseso ang pagbibigay ng hiwalay na isang daang libong pisong ( Php 100,000.00 ) insentibo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para kina Lola Hermogina at Lola Trinidad.
Kabilang lamang ang nasabing gawain sa mga isinusulong na programa ni Mayor Bataoil upang maalagaan at mabigyang-pansin ang mga senior citizens, partikular ang mga umaabot sa edad na 100 pataas.
Muli namang hinikayat ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO Lingayen ang publiko na ipagbigay- alam agad sa kanilang tanggapan kung mayroong kaanak o kakilalang sasapit na ng ika-100 taong gulang.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga kamag-anak ng centenarian citizen sa pamamagitan ng pagpapakita ng birth certificate, pasaporte, Office of the Senior Citizen Affairs ID, marriage certificate, o alinmang ID na maipapakita ang kaarawan ng nasabing centenarian citizen. (MIO)